MANILA, Philippines – NAPAKALIIT lamang ng grupo lamang na nais na magpatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posisyon nito.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Dave Gomez na ang panawagan para sa Pangulo na magbitiw siya sa puwesto ay malamang na dahil sa pilit siyang isinasangkot sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control corruption scandal.
“Napakaliit ng grupo nitong gustong pababain ang Pangulo,” ayon kay Gomez.
“Hindi ba obvious ‘yung mga gustong magpapaba ay ‘yung mga tatamaan?,” dagdag na wika ni Gomez.
Ani Gomez, matamang mino-monitor ng gobyerno ang mga personalidad na ang hangarin ay guluhin ang pamahalaan, sabay sabing ito’y hindi dapat pabayaan ng anumang administrasyon na hindi imo-monitor o susubaybayan ang anumang ‘destabilization effort’ laban dito.
Binasura rin ni Gomez ang serye ni dating dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co sa social media, na nagdadawit sa Pangulo sa flood control mess.
“Sabi ni BBM, he wil not even dignify the acdusations dahil napakaraming loopholes nung script. Katawa-tawa…Hindi namin ito pinapansin,” ani Gomez.
Kinuwestiyon naman ni Gomez ang sinabi ni Co na nagsingit ang Pangulo ng P100 billion sa 2025 budget sa panahon ng bicameral conference, sa halip na isama ito sa National Expenditures Program.
“Pwede naman niyang gawin from the very start,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, hinamon ni Gomez si Co na bumalik ng Pilipinas at isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman ‘under oath’ sa tamang judicial authorities.
Ipinaalala pa ni Gomez na ang Pangulo ang unang nagsiwalat ng flood control mess sa kanyang State of the Nation address ngayong taon at kalaunan ay ibinunyag ang mga pangalan ng 15 contractors na nagbulsa ng P100 billion na flood control contracts na mahigit 3 taon.
Idinagdag pa nito na matapos ang SONA, inilunsad ng Malakanyang ang Sumbong sa Pangulo website, pinapayagan ang mga ordinaryong mamamayan na mag-upload ng impormasyon ng posibleng iregularidad sa government infrastructure programs.
Ang iba pang aksyon na ginawa ng Pangulo ay ang reshuffling ng Philippine Contractors Accreditation Board, suspensyon ng lisensiya ng mga kontratista na isinangkot sa flood control mess, pagpapalit kay Public Works Secretary Manuel Bonoan, pagbawi sa luxury vehicles ng mag-asawang Discaya at paglikha ng Independent Commission for Infrastructure.
Kamakailan ay nangako naman ang Pangulo na makukulong ang mga flood control suspects bago mag-Pasko at mababawi ang government funds. Kris Jose