MANILA, Philippines – Bilang tugon sa pagdami ng mga turistang Chinese, nagdagdag ang Department of Tourism (DOT) ng mga Mandarin-speaking agents sa kanilang Tourist Assistance Call Center. Kasama na ito sa mga serbisyo ng English, Filipino, at Korean, na unang inilunsad noong Oktubre 2023.
Ang call center, na maaaring tawagan sa 151-TOUR o 151-8687, ay mananatiling bukas at aktibo kahit sa Semana Santa. Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, ang serbisyong ito ay bahagi ng National Tourism Development Plan (NTDP) 2023-2028 na layuning mapabuti ang kabuuang karanasan ng mga turista sa Pilipinas.
Sinabi ni Frasco na ang call center ay naglalayong magbigay ng accessible, efficient, at world-class na serbisyo, alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang digitally empowered na gobyerno.
Ang mga Mandarin-speaking na turista ay maaari nang makipag-usap nang direkta sa mga agent ng call center, mula Lunes hanggang Biyernes, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. (PST). Maaari din nilang kontakin ang DOT sa mobile sa +63 954-253-3215, email sa [email protected], at mga social media platform.
Ang call center, na nakatanggap na ng mahigit 14,000 tawag mula sa 72 bansa, ay kamakailan lang pinarangalan ng “Best in Service – Customer Support (Regional Level)” sa Asia Best of Best Awards 2024 sa Dubai.
Sa unang tatlong buwan ng 2024, ang China ay naitala bilang ika-anim na pinakamalaking pinagmumulan ng mga turista sa Pilipinas, na may 72,665 na pagdating. RNT