
MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Manila Electric Co. (Meralco) ang kanilang pagtutok sa “matatag, maaasahan, at tuloy-tuloy na” serbisyo ng kuryente sa buong Semana Santa.
Bagamat isasara ang kanilang mga business center mula Abril 17, Maundy Thursday, hanggang Abril 20, Easter Sunday, maaari pa ring makipag-ugnayan ang mga customer sa pamamagitan ng kanilang mobile app, opisyal na media pages, at mga hotline.
Magbabalik ang operasyon ng mga business center sa Lunes, Abril 21.
Sinabi ni Joe Zaldarriaga, vice president ng Meralco, “Bilang isang 24/7 na tagapagbigay serbisyo, tinitiyak namin na handa ang aming mga crew na tumugon sa anumang power-related concerns.”
Nagbigay din ang Meralco ng mga paalala sa publiko upang maging ligtas at matipid sa paggamit ng kuryente sa mga araw ng Semana Santa, tulad ng pag-unplug ng mga hindi ginagamit na appliances at pag-iwas sa mga “octopus connections.”
Ang Meralco ay responsable sa konstruksyon, operasyon, at pangangalaga ng mga sistema ng distribusyon ng kuryente sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, at ilang bahagi ng Batangas, Laguna, Pampanga, at Quezon. Santi Celario