Home NATIONWIDE Mandatory ROTC bill debates prayoridad ng Senado sa Mayo

Mandatory ROTC bill debates prayoridad ng Senado sa Mayo

MANILA, Philippines – Isasaprayoridad ng Senado sa Mayo ang deliberasyon sa panukalang naglalayon na gawing mandatory ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).

Ito ang pagsisiguro ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Lunes, Abril 8, nang tanungin patungkol sa naging komento ni Senador Robin Padilla na isusulong na lamang umano niya ang pagrerecruit ng mas maraming reservists sa halip na isulong ang Mandatory ROTC Bill dahil nawalan na ito ng pag-asa.

“Kinausap ko na ang ating Majority Leader, Senator Joel Villanueva. Ang aking commitment kay Senator [Ronald] ‘Bato’ dela Rosa, who is the chairman and the sponsor of the ROTC bill, that this month of May, naka-table na ‘yan araw-araw sa Senado,” ani Zubiri.

“Kung meron po akong mga kasamahan na hindi sang-ayon sa ROTC, magboto na lang po sila. Ibigay na lang po nila ang boto nila kasi sa tingin ko mas marami po ang gusto ng ROTC dun sa Senado. So let’s give the bill a chance. We’ll vote on it. Whether it passes or not, but we will prioritize it this coming May before the sine die break,” dagdag ng Senador.

Mismong si Zubiri ay dumaan sa ROTC program at sinabing lumabas sa survey ng Pulse Asia na 77% ng mga respondents ang nagsabing pabor silang buhayin ang mandatory ROTC program.

Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng panukala na isinusulong, magkakaroon ng mas maraming safeguard laban sa hazing na siyang naging “main problem” ng mandatory ROTC program.

Dagdag pa niya, hindi lamang tututok ang bagong ROTC program sa military training kundi maging sa training sa
cybersecurity, engineering, at medical response.

“So it will enhance your skills…hindi na katulad natin…hindi na lamang po puro martsa,” sinabi ni Zubiri.

Ang Mandatory ROTC Bill (Senate Bill 2034), na priority measure ng administrasyong Marcos ay kasalukuyang pending sa ikalawang pagbasa sa Senado.

Idinaos ang huling interpelasyon sa Senate Bill 2034 noong Setyembre 25, 2023.

Sa ilalim ng panukala, sasakupin ng basic ROTC program ang lahat ng mga estudyanteng naka-enrol sa hindi bababa sa two-year undergraduate degree, diploma, o certificate programs sa HEIs at TVIs. Kukunin ang programa sa loob ng apat na semester.

Ang mga estudyanteng bigong sumailalim sa ROTC program ay hindi makakapagtapos habang mahaharap naman sa disciplinary at administrative sanctions mula sa Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority ang mga paaralang hindi magpapatupad nito.

Lilikhain naman ang isang specialized program para sa mga estudyante na nasa ilalim ng klasipikasyong persons with disabilities, mga relihiyong nagbabawal sa paghawak ng armas, at mga na-convict na may final judgment nang dahil sa krimen kabilang ang moral turpitude.

Ang Basic ROTC Program Curriculum ay bubuuin naman ng Department of National Defense, CHED, at TESDA at kokonsulta sa iba pang ahensya ng pamahalaan at private stakeholders, kabilang ang mga asosasyon ng mga paaralan.

Matatandaan na ibinasura ang mandatory ROTC program noong 2002 kasunod ng pagpasa sa Republic Act 9163, o ang pagtatatag ng NSTP (National Service Training Program). RNT/JGC