Home NATIONWIDE PBBM sang-ayon sa pagbuo ng Negros Island Region

PBBM sang-ayon sa pagbuo ng Negros Island Region

MANILA, Philippines – Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nitong Lunes, Abril 8 na pabor siya sa panukalang naglalayong pagsama-samahin ang Negros Occidental, Negros Oriental, at Siquijor sa ilalim ng isang rehiyon.

Sa kasalukuyan, ang Negros Occidental ay nasa ilalim ng Region 6 (Western Visayas) habang ang Negros Oriental at Siquijor ay nasa ilalim ng Region 7 (Central Visayas).

“It is very hard to bring government services to the people and that’s the entire reason behind the push for making a single region para may regional office na sarili. I think I will sign it,” ani Marcos.

Ang Negros Island Region ay nabuo sa executive order noong 2015, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III, sa kaparehong dahilan.

Noong 2017 ay binuwag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang rehiyon, sa pagsasabing ang paglalagay ng regional offices para sa NIR ay kukuha ng pondo ng ibang programa ng pamahalaan.

Nauna nang inaprubahan ng Senado at Kamara ang Negros Island Region bill, na nagpapanukalang itatag ang isang bagong rehiyon na binubuo ng Negros Occidental kabilang ang Bacolod City, Negros Oriental, at Siquijor. RNT/JGC