Home OPINION MANDURUGAS NA ONLINE LENDING COMPANIES

MANDURUGAS NA ONLINE LENDING COMPANIES

HINDI lang isang kaibigan ang humingi ng tulong sa inyong lingkod dahil ginugulo sila ng pinagkakautangan nilang online lending companies.

Bukod sa kung ano-anong mensahe ang ipinadadala ng online lending companies sa kanilang kliyente, maging sa mga kaibigan at kakilala ng huli ay pinadadalhan din ng mapanirang mensahe.

May ilang mensahe na hindi lang paniningil ang ginagawa ng mga tauhan o ahente nitong online lending subalit kasama ang pananakot.

Ang masaklap pa nito, pati sa kompanyang pinapasukan ng kanilang mga kliyente ay tinatawagan at sinasabihan na patuloy na makatatanggap ng mensahe at tawag hanggang hindi nagbabayad sa kanila itong borrower.

Ano bang kinalaman ng mga kakilala at kompanya nitong borrower sa pangungutang nito? Eh sana, bago nagpahiram ng pera  itong online lending company ay nagsagawa muna sila ng background check at hindi iyong nanggugulo sila ng ibang tao.

Hindi tinotolerate ng Pakurot ang nanghihiram sa online at lalong hindi hinuhusgahan. Hindi naman sila manghihiram kung hindi kailangan. Nagkataong “kapit sa patalim” kaya pumatol na sa nagpapautang sa online na hindi nila batid na sobra-sobra naman palang maglagay ng interes at penalty at iba pang bayarin sa inutang.

Sa inutang na P30,000, ayon sa nanghingi ng tulong sa inyong lingkod, tanging P15,000 ang kanyang natanggap at kailangang bayaran niya ito sa loob ng isang buwan pero kailangang magbayad tuwing ika-6 na araw at kapag hindi nakabayad ay may penalty na P12,500 na ipinapatong sa pagkakautang.

Kaya naman para sa mga nagpaplano na mangutang sa online lending company na lulutang sa social media habang gamit n’yo, huwag na kayong magtangka upang hindi kayo maloko ng mga kompanyang nagpapanggap na sagot sa problema n’yo sa pera dahil tiyak sa bandang huli ay luluha kayo nang todo.

Sana lang, mismong Securities and Exchange Commission kasama ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police ay kumilos at labanan ang mga gawaing ito ng mga online lending companies.

Hindi biro ang ginagawa nilang pagsira sa buhay ng mga taong nagkakaproblema sa pananalapi. Pambibiktima na ang kanilang ginagawa bukod sa pananamantala.

Gumagamit ng iba’t ibang mobile number at system generated cell number ang mga nambibiktimang ito kaya ang hirap hulihin. Teka, ano na ba ang nangyari sa programa ng National Telecommunications Company na pagrerehistro ng SIM cards?

Sa susunod, pangalanan na ang online lending companies na mandurugas na, namamahiya pa.