
ISA pa lang ang kinukumpirma ng mga awtoridad na biktima ni bagyong Aghon.
Pero pito lahat ang sinasabi ng pulisya at local government units at matatagpuan ang mga ito sa Quezon at Misamis Orienta.
Sa Quezon, pinangalanan ang ilang biktima na sina Germie Salibio, 56, ng Barangay Santol, Mauban; Archie Miguel, 22, ng Brgy. Talao-Talao, Lucena City; at isang 7-buwang baby sa Padre Burgos.
Pawang nalunod umano ang mga ito.
Nabagsakan naman ng puno kaya namatay umano sina Melbert Señado, 39, ng Brgy. Ibabang Talim, Lucena City; at dalawang iba pa na hindi agad nakilala ngunit taga-Lucena City rin at San Antonio.
Isang 14 anyos na babae na lulan ng isang sasakyan naman ang namatay makaraang mabagsakan ng puno sa Misamis Oriental.
Pinakamasaklap ang kamatayan sa lahat ng anyo ng kalamidad na dumadapo kahit saan o gawa ni Aghon ngayon.
Nasa 36,000 katao naman ang tuwirang tinamaan ng bagyo, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Anim na rehiyon naman ang may pinakamatinding pinsala, kasama ang Region 4 (Calabarzon at Mimaropa), 5 (Bicol), 6 (Western Visayas), 7 (Central Visayas) at 8 (Eastern Visayas).
Sa panimulang pagtaya, may halagang P23 milyong pananim ang nasira, lalo na sa Rizal, Cavite, Laguna, Quezon, Batangas at Marinduque na nakaranas ng halos gataong mga baha.
Kung tutuusin, patikim lang ang idinating ni Aghon sa Pilipinas na isa sa maraming bagyong darating sa nalalabing walong buwan ng 2024.
Paano na lang kung darating ang mga super bagyo at super ulan dahil may halong La Niña ang tag-ulan ngayon?
Kung namatayan tayo at nasiraan ng malaking halaga at sa malawak na lugar sa mahinang bagyong si Aghon, paano na lang kung hahagupit ang mga super bagyo at super ulan?
Lahat ng mamamayan, dapat maghanda laban sa kalamidad sa tag-ulan at mahigpit na makipagtulungan sa pamahalaan upang maiwasan o mabawasan ang mga kamatayan at pinsala sa mga ari-arian at kapaligiran.