Home OPINION NCRPO, MAY ‘CONTEST’ SA MGA HULI?

NCRPO, MAY ‘CONTEST’ SA MGA HULI?

TILA may paligsahan ang Philippine National Police sa panghuhuli at pangungumpiska ng iligal na droga.

Kapuna-puna na ang bawat istasyon sa limang distrito ng Metro Manila ay pawang may mga huli na sangkot sa droga kasama pa ang kumpiskadong bawal na gamot.

May kaugnayan kaya ito sa nalalapit na National Drug Summit 2024?

Teka nga, hindi ba’t tuwing Monday Flag Raising Ceremony sa National Capital Region Police Office, sa ilalim nang pamumuno ni PMGen Jose Melencio Corpuz Nartatez Jr., ay sinasabayan ito ng awarding ceremony?

Malamang, ito ang dahilan kung kaya’t walang humpay ang panghuhuli ng mga tauhan ng limang distrito – Manila Police District, Quezon City Police District, Northern Police District, Southern Police District at Eastern Police District,  at kasama, siyempre pa, ang region.

Ah, sa madaling salita, karangalan ang habol nitong mga pulis na patuloy na nanghuhuli ng mga sangkot sa paggamit at pagbebenta ng iligal na droga. Tama lang naman. Bukod sa pagkilalang kanilang tinatanggap kasama ang certificate at medalya, maging ang kanilang pamilya ay ipinagmamalaki sila.

Bukod pa sa isang paraan din ito sa mabilis at maayos na inaasam na promosyon. Syempre, kapag mahusay na operative, at kilala sa larangang iyong nakasanayan, hindi na mahihirapang kumbinsihin ang promotion’s board na isama sa promotable ang masipag na alagad ng batas.

Dahil nga sa sunod-sunod na huli ng mga sangkot sa droga at pagkakakumpiska ng shabu, nagagalak itong si Nartatez sapagkat hindi nga naman natutulog sa pansitan ang kanyang mga tauhan pagdating sa kanilang kampanya laban sa droga.

At tuwang-tuwa rin si General Tateng, alyas ni Nartatez, sapagkat malaking tulong sa mga pulis ang pakikipagtulungan ng mga mismong tao sa komunidad kung kaya’t magiging matagumpay ang kanilang kampanya laban sa droga.

Nagbunga ang pagiging disciplinarian ng “Mamang Pulis” na ito sapagkat mismong siya ang nag-utos sa kanyang mga tauhan na bumaba sa mga barangay at sila mismo mo umalam ng problema sa pamayanan. Sa takot na masampolan ni Tateng, tumalima ang mga pulis at ngayon sila ay pawang kaibigan na ng mga tao sa simbahan at pamayanan.