Mabibigyan na ng mas malakas na proteksiyon ang mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon matapos lagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11996 o mas kilala bilang Eddie Garcia Law noong ika-30 ng Setyembre 2024.
Nilagdaan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido E. Laguesma ang IRR o Department Order No. 246, Series of 2024, sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.
“Ang okasyong ito ay hindi lamang pagpupugay o seremonya, kung hindi isang makabuluhan at mahalagang hakbang para sa pagpapabuti at pagtitiyak ng kaligtasan at pagsusulong sa kapakanan ng bawat indibidwal na bahagi ng industriya,” pahayag ni Secretary Laguesma sa kanyang talumpati.
“Sama-sama po tayong magsikap upang gawing modelo ang industriya ng pelikula at telebisyon para sa kaligtasan at pangangalaga ng kapakanan ng mga manggagawa. Sa aking palagay, ito po ang pamana na nais ipagkaloob ni Eddie Garcia sa industriya,” dagdag niya.
Saklaw ng IRR ang proteksyon ng mga karapatan sa paggawa, pagtataguyod ng disenteng trabaho, at pagkakapantay-pantay ng mga oportunidad sa trabaho para sa lahat ng manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon. Kabilang dito ang mga manggagawa sa pre-production, production, at post-production sa pelikula at telebisyon, maliban sa news media at documentary production.
Batay sa IRR, dapat magkaroon ng kontrata ang mga manggagawa na nagdedetalye ng kanilang posisyon sa trabaho, makatarungang sahod na naaayon sa kanilang kasanayan at kakayahan, normal na oras ng trabaho na walong oras at hindi hihigit sa 14 na oras o hindi hihigit sa 60 oras sa loob ng isang linggo, social security benefit, at accident insurance na hindi manggagawa ang magbabayad.
Nakasaad din sa IRR ang mga responsibilidad ng mga employer tulad ng pagbibigay ng ligtas na kondisyon sa trabaho, kabilang ang first aid, tamang kagamitan sa kaligtasan, at regular safety meeting, gayundin ang pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan na itinakda sa ilalim ng mga umiiral na batas at ang pagsusumite ng mga programang pangkaligtasan sa DOLE.