Home NATIONWIDE Mangingisdang 9 na araw nawawala at palutang-lutang sa dagat, nasagip ng PCG...

Mangingisdang 9 na araw nawawala at palutang-lutang sa dagat, nasagip ng PCG at Navy

2
0

MANILA, Philippines – ‎Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy ang isang mangingisda na siyam na araw nang palutang-lutang sa dagat matapos masiraan ng makina sa Occidental Mindoro.
‎
‎Ayon sa PCG, umalis ang mangingisda sakay ng bangkang “TYRON” mula sa Sitio Kalangigan, Barangay Harrison, Paluan para mangisda at naiulat na nawawala noong gabi ng Oktubre 16, 2026.
‎
‎Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang Coast Guard Sub-Station Paluan sa karagatan ng Occidental Mindoro, katuwang ang LGU, PNP Maritime Group, PDRRMO, at mga lokal na mangingisda. Nagpalabas din ng abiso at VHF radio challenges sa mga dumadaang barko.
‎
‎Napag-alaman na nasiraan ng makina ang bangka kaya inanod ito sa dagat sa loob ng siyam na araw.
‎
‎Dahil sa operational commitments, dinala ng BRP Ramon Alcaraz ng Philippine Navy ang mangingisda sa Rivera Wharf, Subic Bay Metropolitan Authority sa Olongapo City, kung saan sinalubong siya ng Coast Guard Station Zambales at medical personnel ng SBMA.
‎
‎Sa medical assessment, nasa maayos na kondisyon ang mangingisda sa kabila ng matagal na pagkakalutang sa dagat.
‎
‎Na-retrieve naman at nahila patabi ng ligtas ang FBCA Tyron ng CGS Zambales at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) deployable response team.
‎
‎Pormal na itinurn-over ang mangingisda sa PDRRMO at sa Provincial Government of Occidental Mindoro – DSWD Office para sa tuluyang pag-uwi sa kanyang pamilya sa Mamburao, Occidental Mindoro.
‎
‎Pinuri ng PCG ang Philippine Navy, PNP, BFAR, lokal na pamahalaan at maritime stakeholders sa mabilis na koordinasyon na nagresulta sa matagumpay na pagsagip. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here