Home METRO Manibela humingi ng paumanhin sa traffic

Manibela humingi ng paumanhin sa traffic

MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang transport group na Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) sa idinulot na abala sa mga motorista sa isinagawang kilos-protesta nitong Lunes, Hunyo 10, kasabay ang umano’y pananakit sa isang radio reporter.

Ayon kay Manibela chairperson Mar Valbuena, batid nila kung gaano katindi ang daloy ng trapiko na idinulot ng kanilang protesta bagama’t hindi nila inasahan ang dagsa ng mga drayber ng jeep at mga operator na sumama sa rally.

Nitong Lunes ay sinimulan ng grupo ang kanilang tatlong araw na protesta para ipanawagan sa gobyerno ang pagbibigay ng isa pang taon ng provisional authority sa mga unconsolidated jeepney driver at operator kasunod ng deadline para sa consolidation noong Abril 30.

“Ako po ay humihingi ng paumanhin sa lahat ng nangyari kahapon, sa mga nagawa namin, kung anuman ang naging komprontasyon sa mamamahayag na si sir Val, at ‘yung naidulot na trapiko nitong protesta namin kahapon. Kami ay nagpapakumbabang humihingi ng paumanhin,” sinabi ni Valbuena sa panayam ng DZBB.

Sa kaparehong araw, iniulat na sinaktan ng ilang miyembro ng Manibela ang DZRH journalist na si Val Gonzales habang nagsasagawa ng live report sa kilos-protesta ng grupo sa East Avenue, Diliman, Quezon City.

Habang nag-uulat ang reporter kung paano inokupa ng Manibela ang kalsada para sa naturang kilos-protesta sa loob ng 30 minuto, ay pinalibutan umano ito ng mga miyembro ng Manibela at sinuntok ng dalawang beses sa bewang nito.

Agad na nakipag-ugnayan si Gonzales sa Quezon City Police District para maghain ng reklamo laban sa mga miyembro ng Manibela.

Itinanggi naman ni Valbuena ang alegasyon at sinabing nirerespeto ng kanilang mga miyembro ang media.

“Mariin namin itong itinatanggi. Kung mayroong panununtok na nangyari, baka hindi po nakatayo itong ating reporter. Kami, malaki ang respeto namin sa ating mga mamamahayag lalo na sa inyo dahil dito kami umaasa na ‘yung aming hinaing ay maiparating sa gobyerno,” aniya.

Sa kabila nito, handa namang makipag-ugnayan ang grupo kay Gonzales sa oras na humupa na ang tensyon.

“Siguro ito ‘yung panahon na kapag medyo kalmado na at wala nang tensyon ay makapag-usap kaming lahat,” dagdag pa niya.

Ang tigil-pasada ay magpapatulyo hanggang bukas, Hunyo 12. RNT/JGC