Home HOME BANNER STORY Manila LGU handa na para sa Traslacion 2024

Manila LGU handa na para sa Traslacion 2024

Pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna Pangan , Manila Police District Director PCOL Arnold Thomas Ibay, kasama sina Rev. Fr. Jonathan Mojica, Rev. Fr. Rufino Secson Jr. ng Quiapo Church, at District Fire Marshal FSUPT. Christine Doctor-Cula ang pagsasagawa ng media conference sa Pope Benedict XVI Bldg. Quiapo, Manila, nitong Huwebes, January 4, 2024, sa paparating na Kapistahan ng Quiapo NAZARENO 2024. Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Handang-handa na ang pamunuan ng Maynila para sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Ito ang pagtitiyak ni Manila Mayor Honey Lacuna sa ginanap na media briefing para sa NAZARENO 2024 kasama ang ilang komite para sa gaganaping Traslacion.

Upang mas matiyak ang kaligtasan ng mga deboto, magpapakalat ang Manila LGU ng 12 ambulansya mula sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office o MDRRMO.

“Sa panig ng LGU, hangdang-handa na lalo na patungkol sa kaligtasan, sa seguridad at kalusogan ng mga kababayang taga Maynila at mga dadayo,” pahayag ni Lacuna.

Sa kabila nito, mahigpit na pakiusap ni Lacuna sa mga deboto para maiwasan ang surge ng Covid-19 at kung gustong magtuloy-tuloy ang Traslacion 2024, ay makipagtulungan para sa kaligtasan ng lahat at sumunod sa ipatutupad na health protocols.

Samantala, dahil nataon din na first Friday bukas, Enero 5, siniguro din ni Lacuna na magiging maayos ang daloy ng mga deboto na dadalo ng Misa sa Quiapo Church– ito ay ilang araw bago ang Pista ng Itim na Nazareno sa Martes, Enero 9.

Gayundin katuwang nito ang ilang ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng seguridad kabilang ang Philippine Coast Guard (PCG) na nakabantay sa Pasig River at Manila Bay, PNP, National Intelligence Coordinating Council, at iba pa.

Samantala, tiniyak ni MPD Director P/Col Thomas Arnold Ibay sa ginanap na media briefing ng Nazareno 2024 na walang banta sa nasabing aktibidad.

“Sa ngayon wala pa naman kaming natatanggap na threat,” pahayag ni Col. Ibay.

Sinabi rin ni Ibay na mahigpit ding ipapatupad ang “no sail zone” sa paligid ng Quirino Grandstand habang “no flying zone” naman sa buong Traslacion o Kapistahan ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo.

Pagtitiyak pa ng opisyal, magiging ligtas at maayos ang Traslacion, unang-una sa koordinasyon ng mga deboto at lahat ng suporta ng Manila Local Government at mga katuwang na ahensya.

Pinaalalahanan din niya ang mga pupunta na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal dahil ito ay siguradong sisitahin ng mga kapulisan.

Aniya, hindi papayagan na pumasok sa control area ang mga may dalang ipinagbabawal na item.

SinabiĀ  ni Col. Ibay na 12,000 police personnel ang ide-deploy sa Enero 8 gayundin sa Enero 9.

Gayundin, hinihikayat ng Simbahan ng Quiapo ang mga deboto na magsuot pa rin ng facemask sa Kapistahan ng Poong Nazareno.

Sinabi ni Bro. Christopher Grajo sa ginanap na media briefing ngayong Huwebes ng umaga na mahigpit nilang ipatutupad ang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19.

Ayon kay Bro.Grajo, kailangang nakasuot ng masks sa loob at labas ng Simbahan.

Bukod dito, paiiralin din ang social distancing sa loob ng Simbahan para sa mga dadalo ng Misa.

Para maiwasan naman ang siksikan, gagawing isa ang pasukan habang ang magkabilang gilid ng simbahan ang papalabas.

Umaasa naman ang Simbahan ng Quiapo na mas mapabibilis ngayon ang oras ng prusisyon dahil wala nang mga sasampa sa Andas.

Sa panig naman ng Manila LGU, sinabi naman ni Mayor Lacuna na ilang beses nagsagawa ng pagpupulong ang LGU at Simbahan para sa Traslacion ngayong taon.

Dahil sa mahigpit na ugnayan ng lokal na pamahalaan at simbahan, nagkasundo sila na atasan ang mga hijos ng bawat Balangay na magpatupad ng pagsusuot ng face mask sa lahat ng mga magtutungo sa Kapistahan.

Ayon pa sa alkalde, magkakaloob sila ng mga face mask sa mga magtutungo sa simbahan upang maging ligtas at maiwasan na mahawaan ng anumang uri ng sakit.

Nakikiusap din ang alkalde sa publiko lalo na sa mga deboto na makiisa sa inilatag na patakaran para sa sariling kapakanan at maiwasan ang kaguluhan.

Sa huli, iginiit ni Mayor Honey na handang-handa na ang lahat para sa pagdiriwang ng Nazareno 2024 gayundin sa pagdiriwang ng misa sa unang Biyernes ng taong 2024.

Magkakaroon din aniya ng firecracker ban at liquor ban sa bisinidad ng Quiapo para maiwasan ang anumang insidente at ito ay ilalabas ngayong araw, Enero 4. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleHigit kalahati ng Panay Island may kuryente na – NGCP
Next articleMga estudyanteng sapul ng pagpapahinto sa SHS program sa SUCs kasya sa public schools – DepEd