MANILA, Philippines – Makalipas ang mahigit 20 taon ay nagbalik na ang direct flight sa pagitan ng Manila at Paris, France sa pamamagitan ng pagsisimula ng flight ng French carrier na Air France nitong weekend.
Ang inaugural flight ay umalis ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bandang 9:50 ng gabi nitong Linggo, Disyembre 8, at dumating sa Paris-Charles de Gaulle airport 5:50 a.m. ng sumunod na araw.
Dinaluhan nina Transportation Secretary Jaime Bautista, Tourism Secretary Christina Frasco, French Ambassador to the Philippines Marie Fontanel, at New Naia Infra Corp. (NNIC) general manager Lito Alvarez ang send-off ceremony.
Tatlong beses kada linggo ang mga flight na aalis ng NAIA tuwing Martes, Huwebes, at Linggo ng 9:50 ng gabi, at darating sa Paris 5:50 ng umaga ng kasunod na araw.
Ang return flights naman nito ay aalis ng Paris ng 11:20 ng gabi tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado, at darating sa manila ng 7:30 ng gabi ng kaparehong araw.
Ayon kay French Ambassador Fontanel, mismong mga biyahero ang humiling para sa pagbabalik ng nasabing ruta.
Siniguro naman ng Embahada na kaya nitong tugunan ang pagtaas ng visa applications.
“Having this direct flight is a request, a Christmas wish for many Filipinos and French partners,” ani Fontanel.
“Probably there will be an increase (in visa applications) so we will work a lot. The capacity of issuing visas will be the center of our work,” aniya.
“We have to make this direct flight a success.” RNT/JGC