
MANILA, Philippines – Ipinagkibit-balikat na lamang ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga ibinabatong pambabatikos sa kanya ng kanyang mga katunggali kasabay ng paghugot nito ng lakas mula sa mga tunay na Manileño na mga mamamayang saksi mismo sa kanyang pamumuno at mga nagawa para sa lungsod.
Sa naganap proclamation rally ng kanyang slate na “Yorme’s Choice” sa Moriones Street, Tondo noong Biyernes ng gabi, kumpiyansa si Domagoso na patas siyang huhusgahan ng mga taong kanyang pinagsilbihan, lalo na noong kasagsagan ng pandemya.
“Marami-rami na akong testigo, kayong mga naparito, testigong buhay, matangos ang ilong nating maipagmamalaki,” ani Domagoso sa harap ng libo-libong Manileño na dumagsa sa proclamation rally.
“Noong panahon ng pandemya, walang nagutom sa Lungsod ng Maynila,” paalala ng dating alkalde sa isinagawang COVID-19 Food Security Program ng kanyang administrasyon.