Ipinahayag ni Vilma Santos-Recto ang kanyang suporta sa muling pagtakbo ni Manny Pacquiao sa Senado. Binigyang-diin ni Pacquiao ang kanyang legislative agenda na nakatuon sa kabuhayan at suporta sa maliliit na negosyo (MSME), pati na rin ang programang libreng pabahay para sa mga mahihirap at biktima ng kalamidad—lalo na sa lalawigan ng Batangas.
BATANGAS — Pormal nang inendorso ni dating Batangas Governor at beteranang aktres Vilma Santos-Recto ang muling pagtakbo sa Senado ni boxing legend at dating senador Manny Pacquiao ngayong Sabado.
Inaasahang lalo pang lalakas ang suporta kay Pacquiao hindi lamang sa Batangas kundi sa buong Timog Luzon dahil sa naturang endorsement.

Sa isinagawang rally ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Batangas City, inilatag ni Pacquiao ang kanyang batas-pambansang agenda na nakatuon sa mga lalawigan, partikular sa pagtulong sa mga mahihirap at mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad. Sentro ng kanyang plataporma ang kabuhayan, pabahay, at pagpapaunlad ng kabataan.
“Ang Batangas at buong bansa ay nararapat lamang magkaroon ng mga lider na lalaban para sa karaniwang mamamayan. Sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan, suporta sa maliliit na negosyo, at libreng pabahay para sa mga mahihirap at biktima ng kalamidad, maibabalik natin ang dignidad at pag-asa ng ating mga kababayan,” ani Pacquiao.
Muling isusulong ni Pacquiao ang kanyang dating panukala na Senate Bill No. 239 o ang “Free Housing Through On-Site, In-City, or Near-City Resettlement Act”, na layong magbigay ng libreng pabahay sa mga informal settlers nang hindi inaalis sa kanilang mga komunidad.
Bukod dito, isinusulong din ni Pacquiao ang pagpapaunlad ng kabataan sa pamamagitan ng sports, pagpapalawak ng mga kooperatiba at community enterprises, at ang Cooperative Empowerment Act, na magbibigay ng access sa kapital para sa maliliit na negosyante sa mga probinsya.
“Ipagpapatuloy natin ang ating programa para sa mga mahihirap—libreng tahanan, libreng bahay, at higit sa lahat, puhunan para may hanapbuhay, kapital para makapagnegosyo,” ani Pacquiao.
Samantala, pinuri ni Santos-Recto ang matagal nang malasakit ni Pacquiao para sa mga nangangailangan:
“Si Manny ay may tunay na malasakit sa mahihirap. Naniniwala ako sa kanyang adbokasiya na tumulong sa mga komunidad, hindi lamang sa Batangas kundi sa buong bansa. Ang kanyang pagbabalik sa Senado ay mangangahulugan ng konkretong aksyon para sa mga higit na nangangailangan,” pahayag ni Santos-Recto. RNT