Nakipagpulong si dating Senador at boxing icon Manny Pacquiao kina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Senador Joel Villanueva ngayong Lunes.
Isinagawa ang pagpupulong sa isang pribadong lugar na tumuon sa pagpapalakas ng ugnayan sa paggawa ng batas, pagsusulong ng mga polisiyang maka-mahirap at mga inisyatiba para sa hinaharap pambansang kaunlaran.
Si Pacquiao, na muling sumasabak sa halalan ngayong darating na midterm elections sa Mayo 2025, ay binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga mambabatas upang maisulong ang mga repormang may direktang pakinabang sa sambayanang Pilipino.
“Napag-usapan namin kung paano mananatiling haligi ng pag-asa at pagkilos ang Senado para sa bawat Pilipino,” ani Pacquiao.
“Handa akong makipagtulungan sa mga beteranong lider gaya nina SP Chiz at Senador Joel upang isulong ang mga batas laban sa kahirapan, pagpapalakas ng kabataan, at pagtatanggol sa ating pambansang interes.”
Tinalakay rin sa pulong ang mga prayoridad sa paggawa ng batas tulad ng edukasyon, programang libreng pabahay para sa mga mahihirap, pagpapa-unlad ng sports, kabuhayan, at pampublikong kalusugan.
Si Pacquiao, na nanilbihan sa Senado mula 2016 hanggang 2022, ay nagpahayag ng kanyang kasabikan na makipagtulungan muli sa mga beteranong mambabatas upang isulong ang makamasang agenda sa lehislatura.
“Napag-usapan namin na walang dapat maiwan lalo na yung mga kababayan nating mahihirap.” Ani Pacquiao
Sa pamumuno ni Escudero na kilala sa kanyang praktikal na estilo ng pamumuno, at ang pagtutok ni Villanueva sa trabaho at edukasyon, ang nasabing pagpupulong ay tanda ng pagkakatugma ng mga adyenda na makaaapekto sa hinaharap ng Senado pagkatapos ng 2025.
Tinalakay rin ang mga pangmatagalang estratehiya para sa pagbangon ng ekonomiya, mga inisyatibang kontra-korapsyon, at pagpapabuti ng serbisyo publiko—mga palatandaan na ang pagbabalik ni Pacquiao sa pulitika ay hindi lamang basta pagbabalik, kundi isang mas pinatibay na plataporma para sa mga kapakanan ng masa.
Naniniwala si Pacquiao na isang mahalagang yugto ang pulong na ito sa mga lider ng senado para pagbabalik niya sa serbisyo publiko. RNT