MANILA, Philippines – Nanawagan si Apollo Quiboloy, nakakulong na televangelist at kandidatong senador, ng manual recount sa halalan dahil sa umano’y mga iregularidad sa pagboto.
Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Israelito Torreon, may mga ulat ng sobrang pagboto, maling pagbasa ng balota, at iba pang iregularidad.
Giit ng kampo, hindi nila layuning balewalain ang proseso ng halalan kundi palakasin ito at tiyakin ang integridad ng bawat boto.
Pumwesto si Quiboloy sa ika-31 sa partial at unofficial na resulta na may higit 5.5 milyong boto. Kabilang siya sa “DuterTEN” na sinuportahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa mga kandidatong sinusuportahan ni Duterte, sina Bong Go, Bato dela Rosa, at Rodante Marcoleta lamang ang pumasok sa Magic 12.
Tinanggihan ng Comelec ang panawagan para sa manual counting sa antas ng presinto dahil hindi ito pinapahintulutan ng Automated Election Law.
Si Quiboloy ay kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail kaugnay ng mga kasong human trafficking at sekswal na pang-aabuso. RNT