MANILA, Philippines – Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) ang Pebrero 2 bilang simula ng manual recount ng mga boto para sa dalawang kandidato sa pagka-alkalde sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga, kaugnay ng halalan noong Mayo 12, 2025.
Sa isang kautusan noong Enero 26, inatasan ng Comelec First Division ang Judicial Records Section na tiyaking ligtas ang mga balota mula sa 48 pilot protested precincts na binanggit ni Mylyn Pineda-Cayabyab, na kumakatawan sa 20% ng 239 clustered precincts sa lungsod.
Kinuwestyon ni Mylyn Pineda-Cayabyab, dating miyembro ng provincial board at alkalde ng bayan ng Lubao, ang pagkapanalo ni Vilma Balle-Caluag sa kanyang reelection bid.
Ayon sa Comelec, sapat ang porma at nilalaman ng protesta ni Pineda-Cayabyab, na sinamahan ng mga notarized affidavit mula sa mga botante at tagamasid na nagdetalye ng umano’y pandaraya sa halalan dahilan upang humiling ang dating alkalde ng recount sa piling precincts.
Upang masaklaw ang gastos sa recount, inatasan si Pineda-Cayabyab na magbayad ng P617,000.
Ang opisyal na bilang ng boto ay nagpapakita na nakakuha si Balle-Caluag ng 127,124 boto, mahigit doble ng boto ni Pineda-Cayabyab na 49,061.
Ang recount ay isasagawa mula alas 8:30 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali at ala 1:30 ng hapon hanggang alas 5 ng hapon araw-araw hanggang matapos ang proseso. Jocelyn Tabangcura-Domenden