Bulacan – Arestado ang 37-anyos na lalaking lasing na nanghablot ng 12-anyos na babaeng nanlaban sa madilim na eskinita sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas Son, construction worker, residente ng Brgy. Bagong Buhay 1 habang ang biktima ay itago sa pangalang Tonet ng Brgy. San Rafael 1.
Sa report ng SJDM police kay PCOL Satur Ediong, OIC Bulacan police, naganap ang insidente bandang alas-8:30 ng gabi nitong Agosto 11 sa Brgy. Sta Cruz 1.
Ayon sa imbestigasyon, nanghingi ng limang pisong barya ang biktima sa nakasalubong na suspek na umano’y nasa impluwensya ng alak.
Nagulantang ang biktima nang hawakan ng suspek ang kanyang kamay at pwersahang dinala sa madilim na eskinita.
Nagpupumiglas ang biktima hanggang sa nagawang duraan ang mukha ng suspek kaya nabitawan at tuluyang nakatakas sa lugar.
Agad humingi ng saklolo ang biktima sa mga awtoridad na rumesponde sa lugar kaya nahuli ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610. Dick Mirasol III