Home NATIONWIDE Rasyonalisasyon ng SHS curriculum iniatas ni PBBM

Rasyonalisasyon ng SHS curriculum iniatas ni PBBM

103
0

MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang rasyonalisasyon ng Senior High School (SHS) curriculum.

“So, ito lang iyong basics na inutos sa atin ng Pangulo. Iyong pag-rationalize noong senior high school curriculum,” ang sinabi ni Department of Education (DepEd) Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Martes, kasunod ng sectoral meeting kasama ang Pangulo hinggil sa panukalang education cabinet cluster.

Winika pa ni Angara na plano ng DepEd na bawasan ang karaniwang 22 subjects per academic track sa pamamagitan ng paggawang boluntaryo ng iba sa mga estudyante.

“Hindi natin sila babawasan ng kukunin nila pero gagawin nating voluntary or elective na lang siya,” ani Angara.

“So, gagawa tayo ng core for all four tracks na common na iyon ang kahit anong gawin ng bata he is well-equipped – may reading and writing skills siya; may communications skills siya; may personal development or soft skills siya; may physical education siya – so, he’s a well-rounded person kahit anong gawin niya at may foundational skills siya,” dagdag ng kalihim.

Tinuran ni Angara na ang electives at piniling track ng mga mag-aaral ay dapat na nagko-complement.

Sinabi pa niya na inatasan ng Pangulo ang DepEd na makipag-ugnayan sa mga industriya at tiyakin na ang mga SHS graduates ay maaaring mag-acquire ng high-quality jobs.

“Iyong link-up namin with industries for senior high school – iyan iyong bilin ni Pangulo na kailangan maganda iyong tsansa niyang makakuha ng trabaho at hindi lang pangkaraniwang trabaho kundi iyong dekalidad na trabaho na maganda iyong suweldo at makakabuhay ng isang tao at kaniyang pamilya,” ani Angara.

Buwan ng Pebrero, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang integrasyon ng skills training sa K-12 curriculum.

Inulit naman ng Pangulo ang kanyang naging kautusan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE) na makipagtulungan sa mga industriya upang ang edukasyon at kasanayan ng graduates ay makatugon sa  pangangailangan ng employers. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here