Home METRO Marantan pinangalanang Davao City acting police chief

Marantan pinangalanang Davao City acting police chief

MANILA, Philippines- Itinalaga si Police Colonel Hansel Marantan, ang pulis na idinidiin sa umano’y rubout case sa Atimonan, Quezon, noong 2013, bilang acting chief ng Davao City Police Office (DCPO).

Ito ang ikatlong pagkakataon na nagpalit ng liderato ang DCPO sa loob ng isang araw.

Ayon kay PRO 11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey, unang inilipat ang liderato kay Police Colonel Lito Patay saka kay Police Colonel Sherwin Butil at sa huli ay kay Marantan. 

Sinabi ni Dela Rey na alinsunod ang pagkakatalaga kay Marantan sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil.

“Ang order ni Sir Patay as officer-in-charge of DCPO ay effective July 8 po, Monday. Pero umupo po siya as officer-in-charge ng DCPO ay July 10, kahapon po,” ani Dela Ray.

“During po ng command conference po niya (Patay), nakatanggap po siya ng directive na na-terminate yung designation niya ay OIC at ang pinalit naman po ay si Colonel Sherwin Butil,” paglalahad ni  Dela Rey.

Ani Dela Rey, muling nakatanggap ang Police Regional Office-11 (PRO 11) ng direktiba mula kay Marbil na ipinag-uutos kay Regional Director Police Brigadier General Nicolas Torre III na ilagay si Marantan bilang acting director ng Davao City Police.

“Tapos after po nun, ilang oras lang po, may natanggap kami na directive from the National Headquarters, kay Chief PNP, directing our Regional Director Police Brigadier General Nicolas Torre III to designate Police Colonel Hansel Marantan as the acting director,” sabi ni Dela Rey.

Wika ni Dela Rey, hindi niya maaaring sabihin ang rason sa likod ng papalit-palit na Davao City Police chief.

Ipinag-utos na sibakin sa serbisyo si Marantan at 12 pang pulis noong Abril 2014 kaugnay ng umano’y Atimonan rubout noong Enero 2013. Muli siyang ibinalik sa pwesto noong 2017 matapos igawad ng appellate board ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang kanyang apela.

Nahatulang guilty si Marantan at 12 iba pang police officers sa serious irregularity in the performance of duty, base sa March 5, 2014 decision na nilagdaan ni noo’y PNP chief Director General Alan Purisima.

Patay ang 12 indibidwal, kabilang ang environmentalist na si Jun Lontok, sa ayon sa respondents ay lehitimong shootout laban sa criminal elements, subalit kalaunan ay tinukoy na National Bureau of Investigation (NBI) bilang isang rubout.

Nasugatan si Marantan sa insidente. RNT/SA