MANILA, Philippines – Binatikos ni Sen. Rodante Marcoleta nitong Lunes si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla matapos nitong sabihing maaaring hindi kwalipikado sina Curlee at Sarah Discaya bilang state witnesses sa imbestigasyon ng anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Marcoleta, dating Blue Ribbon chair, dapat isailalim ang mag-asawang Discaya sa Witness Protection Program ng DOJ dahil nanganganib ang kanilang buhay.
Iginiit niyang sinabi mismo ni Remulla na maaari silang maging state witnesses.
“Tahasan niyang sinabi sa’kin, ‘Pwede ‘yan,’ sabi niya sa’kin. Alam ninyo naman si Secretary Boying Remulla, matalik kong kaibigan ‘yan. Matagal kaming nagsama sa House of Representatives. So pinanghawakan ko ang kanyang sinabi sa’kin,” ani Marcoleta sa isang press conference.
“So ako’y nalulungkot kung bakit ginawa ‘yun, nagpahayag ng ganon ang atin SOJ at ‘yun naman ang ginawang basehan ng ating Senate President na hindi niya pwedeng pirmahan ang aking sulat. Alam ninyo sa tamang pagkakataon, I’m going to confront the Secretary of Justice kung bakit niya sinabi ‘yun,” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ni Remulla na “not forthcoming” ang mag-asawa sa impormasyon, dahilan upang hindi niya suportahan ang kanilang bid.
Sa mga pagdinig, tinukoy ng Discayas ang ilang kongresista, staff, at opisyal ng DPWH na umano’y sangkot sa anomalya.
Giit ni Marcoleta, dapat may agarang aksyon: “Kung sinasabi nilang nagmamadali ako, maaaring nagmamadali ako sapagkat ‘yun ang kailangan para sila ay maliligtas.” RNT