MANILA, Philippines – Tinawag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ‘forum shopping’ ang kasong kidnapping na inihain laban sa kanya ni Acting Davao City Mayor Baste Duterte sa Ombudsman Mindanao.
Giit ni Remulla, layon lamang nitong subukan na pabagsakin ang kanyang nominasyon bilang Ombudsman.
Aniya, may nakabinbin pang kaso si Atty. Israelito Torreon sa Korte Suprema kaugnay ng umano’y ilegal na pag-aresto at pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ayon pa kay Remulla, nais umano ng kanyang mga kritiko na gawing imposible para sa kanya na makumpleto ang mga kinakailangang requirement na kanyang isinumite.
“It’s really an organized effort to shoot down my candidacy as Ombudsman,” dagdag pa ni Remulla.
Aminado naman ang kalihim na wala pa rin siyang clearance para sa kanyang aplikasyon sa posisyon bilang Ombudsman dahil sa inihaing Motion for Reconsideration ni Sen. Imee Marcos kaugnay ng pagbabasura ng kanyang mga pending cases sa Ombudsman.