MANILA, Philippines – Tumangging magkomento si Sen. Rodante Marcoleta sa mga espekulasyong maaari siyang maging running mate ni Sara Duterte sa 2028 elections, at sinabing abala siya sa ibang bagay sa ngayon.
Sa episode noong Pebrero 20 ng kanyang programang “Sa Ganang Mamamayan,” iniwasan ni Marcoleta ang tanong tungkol sa posibilidad na tumakbo bilang bise presidente.
Karaniwan umanong hindi agad inaanunsyo ng mga kandidato ang kanilang plano upang manatiling bukas ang kanilang mga opsyon.
Noong 2022, naghain muna si Duterte ng kandidatura bilang alkalde ng Davao City bago nagpasiyang tumakbo sa pambansang posisyon.
“Ang gusto ko munang gawin ngayon, ituwid ko lahat ang mga mali nito,” ani Marcoleta.
Binanggit niya ang hindi niya pagkakasundo sa ilang personalidad, kabilang sina retired Supreme Court justice Antonio Carpio, Sen. Panfilo Lacson, Philippine Coast Guard spokesperson Jay Tarriela, maritime law expert Jay Batongbacal, at dating Sen. Francis Tolentino.
Aniya, nais muna niyang itama ang sa tingin niyang pagkakamali ng mga ito bago pagtuunan ang usaping pulitikal.
Nag-ugat ang mga espekulasyon matapos ihayag ni Duterte ang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028, kung saan nababanggit din bilang posibleng ka-tandem sina Sens. Robin Padilla at Imee Marcos.
Samantala, nahaharap si Duterte sa panibagong mga tangkang impeachment matapos ipawalang-bisa ng Supreme Court of the Philippines ang impeachment proceedings laban sa kanya noong 2025. RNT/MND