Home NATIONWIDE Marcos admin: ICC may hurisdiksyon sa Pinas bago kumalas noong 2019

Marcos admin: ICC may hurisdiksyon sa Pinas bago kumalas noong 2019

MANILA, Philippines- Iginiit ng Malacañang nitong Martes na maaaring busisiin ng International Criminal Court ang crimes against humanity na ginawa umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang war on drugs dahil naganap umano ang mga ito bago kumalas ang Pilipinas bilang miyembro nito noong 2019.

Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer at lawyer Claire Castro na naniniwala si Ferdinand Marcos Jr. na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas sa kasalukuyan.

“Una ang sinabi kasi ng Pangulo is walang jurisdiction ngayon, totoo naman po, walang jurisdiction ang ICC ngayon. Pero kung pagbabasehan po natin ang sinabi ng Supreme Court sa kanilang naging desisyon, although it’s an obiter dictum, but still pronouncement pa rin ng Supreme Court na lahat po ng nangyari na krimen na sakop po ng ICC at ayon rin po sa Rome Statute na naganap prior to the withdrawal from the Rome Statute, mayroon po jurisdiction ang ICC,” pahayag ni Castro, tinutukoy ang desisyon ng SC noong 2021 sa ICC withdrawal issue.

Ang timeframe ng umano’y mga krimen ni Duterte batay sa ICC case ay sa pagitan ng 2011 at March 2019, nangangahulugang saklaw din ng kaso ang panahong nagsilbi si Duterte bilang alkalde ng Davao City.

Nagdesisyon ang Pilipinas, sa ilalim ni dating Pangulong Duterte, na kumalas sa Rome Statute—ang treaty na lumikha sa ICC—noong March 2018. Umepekto ang withdrawal makalipas ang isang taon noong March 2019.

Sa bisa ng ICC warrant, inaresto ng Filipino authorities si Duterte noong March 11 at agad siyang dinala sa The Hague, Netherlands.

Noong March 14, humarap siya sa ICC sa pamamagitan ng video link.

Iginiit naman ni Vice President Sara Duterte, kanyang anak, na dinukot ang kanyang ama ng Filipino authorities upang isuko ito sa ICC.

Kasado ang confirmation of charges sa September 23. RNT/SA