Home NATIONWIDE ‘Sue me’ scheme ng mga puganteng dayuhan pinatutugunan ng BI sa mga...

‘Sue me’ scheme ng mga puganteng dayuhan pinatutugunan ng BI sa mga mambabatas

MANILA, Philippines- Hinikayat ng Bureau of Immigration (BI) ang mga mambabatas na tugunan ang “sue me” scheme na ginagamit ng mga naarestong puganteng dayuhan upang itigil ang kanilang agarang deportasyon.

Ayon sa BI, ilan sa mga kaso ng mga naarestong dayuhang “fugitives” ay hindi agad maipatapon dahil sa mga nakabinbing kasong kriminal sa mga tanggapan ng mga tagausig o sa mga korte.

Ilan sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa mga puganteng dayuhan ay napag-alamang “inayos” nila kasama ang mga nagrereklamo.

“We need Congress to step in and introduce laws that prevent these delaying maneuvers,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado.

“Without clear legal safeguards, we will continue to see fugitives manipulating the system,” dagdag pa ng opisyal.

Ang apela ni Viado ay kasunod ng muling pagkaka-aresto noong Marso 9 sa isang puganteng South Korean na si Na Ikhyeon na nakatakas mula sa BI custody sa Quezon City noong Marso 4.

Ayon kay Viado, si Ikhyeon, na pinaghahanap sa South Korea para sa kasong investment fraud ay nahaharap sa Quezon City Prosecutor’s Office sa kasong estafa na nagpaantala sa pagpapatapon ng pugante.

“If this goes unaddressed, then every fugitive will simply employ this scheme to delay their deportation once arrested,” giit ni Viado.

Samantala, sinabi ni Viado na nakikipagtulungan ang BI sa Department of Justice (DOJ), Integrated Bar of the Philippines (IBP), at Supreme Court (SC) para tugunan ang problema. JR Reyes