Home NATIONWIDE Marcos: Caraga region nagtamo ng P700M agri losses sa El Niño

Marcos: Caraga region nagtamo ng P700M agri losses sa El Niño

MANILA, Philippines- Sinabi ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes na halos P700 milyon ang nalugi sa agriculture sector sa Caraga region dahil sa epekto ng El Niño weather phenomenon.

Pinangunahan ni Marcos ang pamamahagi ng presidential assistance sa mga magsasaka, mangingisda, at mga pamilya Butuan City Sports Complex sa Butuan City, Agusan del Norte.

”Ayon sa aming datos, naapektuhan [nito ang] labinlimang porsyento ng inyong kabuuang populasyon at tatlumpung porsyento ng inyong kabuhayan,” bahagi ng talumpati ni Marcos.

”Tinatayang halos tatlong libo at pitong daang magsasaka at mangingisda naman ang tuwirang naapektuhan ng El Niño, samantalang nasa pitong daang milyong piso naman ang nalugi sa ating agrikultura sa buong rehiyon,” dagdag niya.

Inihayag ng Presidential Communications Office na isinailalim ang Butuan City sa state of calamity noong Hunyo 13 dahil sa El Niño, na nakaapekto sa halos 3,694 magsasaka at mangingisda.

Ipinamahagi ni Marcos ang P158.15 milyong financial assistance sa local government units ng rehiyon bilang bahagi ng suporta ng administrasyon sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Personal na iniabot ng Pangulo ang mahigit P12.48 milyong financial assistance sa Surigao del Sur; P50 milyon sa Agusan del Sur; P46.84 milyon sa Butuan City; P28.26 milyon sa Agusan del Norte; P10.57 milyon sa Surigao del Norte; at P10 milyon sa Dinagat Islands. RNT/SA