Home NATIONWIDE Marcos gov’t kinalampag sa ‘nilamon’ na pera ng GCash

Marcos gov’t kinalampag sa ‘nilamon’ na pera ng GCash

MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ni dating Senador Francis “Kiko” Pangilina ang gobyerno Marcos na kumilos kaagad sa “nilamon” na pera ng subscribers sa virtual wallet na GCash dahil pinaghirapan nila ang naturang pondo.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na makabubuting tiyakin ng gobyerno na maibabalik sa lalong madaling panahon ang pinaghirapang pera ng ating kababayan na nawala sa nangyaring aberya sa GCash.

Aniya, hindi katanggap-tanggap na basta-basta na lang maglalaho ang inipon ng ating mga kababayan, lalo pa ngayong mataas ang presyo ng bilihin at maliit ang kita ng manggagawa.

Tiwala man si Pangilinan na maaayos ng GCash ang problemang ito, iginiit niya na kailangan pa rin na masusing mag-imbestiga ang gobyerno para malaman kung ito ba’y hacking o aberya lang sa sistema at upang matiyak na hindi na ito mauulit pa.

”Kailangan itong maimbestigahan sa lalong madaling panahon para di na madagdagan pa ang agam-agam ng mga nabiktima at mapanatag ang kanilang kalooban,” wika ni Pangilinan.

Sinabi pa ng dating Senador na hindi dapat balewalain ang reklamo ng mga kababayan nating nawalan umano ng pera sa kanilang GCash accounts, malaki man ito o hindi.

”Pinaghirapang pera nila ito na dapat lang maibalik, sakaling totoo nga na bigla-bigla na lang naglaho ang naitatabi nilang pera dito,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga nagreklamo laban sa GCash ang aktres na si Pokwang, na nawala ang pinaghirapang ipon na aabot sa P85,000. Ernie Reyes