Home NATIONWIDE Marcos: Hiling ng Indonesian gov’t na pananahimik sa Veloso case nirerespeto ng...

Marcos: Hiling ng Indonesian gov’t na pananahimik sa Veloso case nirerespeto ng Pinas

MANILA, Philippines- Igininagalang ng Pilipinas ang ‘request’ ng Indonesian government na iwasan ang anumang pagpapalabas ng pahayag o kalatas kaugnay sa kaso ng death row convict Mary Jane Veloso.

“We were asked by the Indonesian government not to make any announcements until everything is settled. So, let’s respect that request,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview sa isinagawang inagurasyon ng Viaduct 3 sa Pulilan, Bulacan.

Tugon ito ng Pangulo nang tanungin kung si Veloso, isang convicted na drug trafficking sa Indonesia, ay makababalik ng Pilipinas bago mag-Pasko matapos na makasama sa death row sa loob ng 14 taon.

Samantala, sa ulat, hindi malabo ang pagkakaloob ng executive clemency para sa Pilipinang domestic worker na si Mary Jane Veloso sa kabila ng kinahaharap nitong mga kaso.

Ito ang sinabi ni dating Justice Secretary at current Solicitor General Menardo Guevarra nang matanong siya tungkol sa request ng National Union of Peoples’ Lawyer, at ng kampo ni Veloso kay Pangulong Bongbong Marcos na executive clemency para kay Veloso.

Paliwanag ni Guevarra, ang umano’y krimen na kinasasangkutan ni Veloso ay naganap sa Indonesia kung saan siya na-convict at nasintensyahan.

Dahil dito, tanging ang Indonesia lang aniya ang maaaring mag-grant ng executive clemency.

Sa kabila nito, binigyang-diin niya na “hindi imposibleng” igawad din ni Pangulong Marcos ang clemency.

Posible umano ito kung mapagkakasunduan ng dalawang lider ng dalawang bansa.

Una nang sinabi ni DFA Usec. Eduardo de Vega na bukas ang Indonesian Government na hayaan si Pangulong Marcos ang magbigay ng clemency kay Veloso. Kris Jose