Home SPORTS PH Padel Association pinagpapaliwag ng GAB

PH Padel Association pinagpapaliwag ng GAB

SINULATAN ng  Games and Amusements Board (GAB) ang Philippine Padel Association (PPA) upang magpaliwanag kung bakit bigo itong kumuha ng permit sa GAB kaugnay sa kanilang katatapos lamang na Padel Tennis event

Batay sa liham na ipinadala ng tanggapan ng GAB chairman na may petsang Nobyembre 12, 2024 na kung saan ay nabatid nilang nagsagawa ng Padel Tennis Event ang PPA na may papremyong P780,000.

Base sa regulasyon kinakailangan ang permiso sa ganitong event mula sa GAB.

Sa record ng GAB, lumalabas na walang anumang permiso na ibinigay  pabor sa PPA.

“Presidential Decree (P.D.) No. 871 provides that “it shall be unlawful for any person, entity or association to conduct professional basketballgames or other professional games without permit duly issued by the Board,” ayon sa nilalaman ng sulat ng GAB chairman sa PPA.

Paglilinaw pa sa liham ng GAB Chairman na anumang permit na ipagkakaloob ay dapat na malinaw na nakasulat ang pangalan ng tao, entity, o asosasyon sa sinumang pagkakaloob nito kalakip ang lugar at kung saan at kailan isasagawa ang palaro o paligsahan.

Tinukoy pa ng tanggapan ng chairman ng GAB na nakapaloob din sa naturang P.D. na hindi maaring kumuha ang sinumang tao, entity o asosayon ng manlalaro, referee, scorer, timekeeper o iba pang tao na magsasagawa ang anumang trabaho na may kinalaman sa professional basketball games at iba pang professional games maliban na lamang na kung ang naturang tao ay ipinagkalooban ng lisensiya ng GAB.

“GAB Resolution No. 98-10 entitled “Adopting Policy Guidelines for the Exercise of the Regulatory and Supervisory Powers of Games and Amusements Board over Professional Sports” as approved by the Office of the President on 07 December 1998, defines “Professionals’,” bahagi pa din ng liham ng GAB sa PPA.

Nilinaw pa ng liham ng GAB na ang professional sports ay tumutukoy sa isang tao o sa isang grupo ng mga indibidwal na kung saan ang mga atleta ay pawang mga bayad o mayroong iba pang uri ng kompensasyon tulad ng suweldo o premyo ng pakikisali sa games, contests, bouts o tournament na kinakailangang isagawa ng mayroong permit na ipinagkaloob ang GAB.

Ang naturang liham ng GAB sa PPA ay noon pang Nobyembre ngunit sa kabila nito ay wala pa ding sagot ang PPA ukol sa usapin, sa sandaling mabigo ang PPA na sumagot sa liham ng GAB ay maaring gumawa ng anumang legal na hakbangin ito.