MANILA, Philippines — Nagbigay ng huling respeto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay yumaong Quirino Gov. Dakila Carlo “Dax” Cua, na kanyang inilarawan bilang kaibigan, kasamahan at lingkod-bayan.
Dinalaw ni Marcos ang burol ni Cua nitong Miyerkules, Setyembre 23, kasama ang delegasyon mula sa Executive Branch at Gabinete.
“I came to say goodbye to Dax as President, leading the Executive and Cabinet contingent. As a colleague whose work I valued and relied on. And above all, as a friend,” pahayag ni Marcos sa social media nitong Huwebes.
Nagpaabot din ang Pangulo ng pakikiramay sa asawa ni Cua na si Midy, kanyang mga magulang na sina Junie at Angela, at tatlong anak.
Ayon kay Marcos, nag-iwan si Cua ng mahalagang pamana matapos ang 25 taon sa serbisyo publiko, partikular sa mga komunidad at mamamayan ng Quirino.
Nagsilbi si Cua bilang vice governor at governor ng Quirino at kinatawan ng lone congressional district ng lalawigan bago muling bumalik sa provincial capitol.
Inihayag ng kanyang pamilya na nakikipaglaban si Cua sa lung cancer mula pa noong 2024. RNT