MANILA, Philippines — Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes na naghahanda na ang Office of the Ombudsman na magsampa ng patong-patong na kaso laban sa kanyang pinsan na si dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng anomalya sa mga flood control project.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, sinabi ni Marcos na may mga kontratista, matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga mambabatas nang kinasuhan at ikinulong dahil sa kontrobersiya.
“Mayroon nang mga unang nakasuhan at nakulong: mga kontratista; matataas na opisyal ng DPWH; pati na ang mga mambabatas,” ani Marcos.
“Dumating na tayo sa puntong ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghahain ng patong-patong na kaso laban sa dating Speaker. Masakit sa akin ito pero kailangan natin itong gawin,” giit pa niya.
Inamin ng Pangulo na masakit para sa kanya ang naturang hakbang dahil pinsan niya si Romualdez, ngunit iginiit niyang kailangang manaig ang pananagutan.
“Hindi ako pangulo ng aking pamilya,” dagdag pa ng Pangulo. RNT