Home NATIONWIDE Marcos sa DOTr: Magkasa ng broadband deal para sa North-South Commuter Railway

Marcos sa DOTr: Magkasa ng broadband deal para sa North-South Commuter Railway

MANILA, Philippines- Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) na magkasa ng broadband co-sharing partnership sa Smart Communications, Inc. para sa North-South Commuter Railway (NSCR) project.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), inilahad ni Marcos na kailangang makipagusap kay Smart chairman at chief executive officer Manny Pangilinan “to resolve the problem of broadband frequency for the NSCR signaling system.”

“It’s been left hanging for quite a while and knowing Smart and Manny, nakakausap naman natin [sila]. We’ll just find a way to it,” anang Pangulo sa DOTr officials sa pulong sa San Jose Del Monte, Bulacan.

“Nakikiusap tayo sa Smart na kahit na kaunting broadband ipamigay nila, ibalik nila sa atin para magamit ng commuter railway,” dagdag ni Marcos.

Samantala, sinabi ni bagong Transportation Secretary Vince Dizon na nakipag-usap na sila kay Pangilinan at sa Smart, iginiit na “securing the signaling system is at the top of [the] agenda.”

“This was the top item on the agenda and based on my initial talks with Smart, I think we can come to a quick resolution to this,” wika ni Dizon.

Ang NSCR ay isang 147-kilometer mass transit system na dumadaan sa Calamba, Laguna hanggang Clark, Pampanga, at inaasahang tatapyasan ang oras ng biyahe sa pagitan ng dalawang lungsod sa dalawang oras mula sa kasalukuyang apat.

Kapag nakumpleto sa 2026, nasa 800,000 pasahero kada araw ang inaasahang mabebenipisyuhan ng railway project. RNT/SA