Home NATIONWIDE Marilaque ‘racetrack’ target lagyan ng police outpost

Marilaque ‘racetrack’ target lagyan ng police outpost

MANILA, Philippines – Ipinananawagan ang mahigpit na mga hakbang kaugnay sa mga iniulat na namamatay sa Marikina-Rizal-Laguna-Quezon (Marilaque) Highway dahil sa mga motorcycle rider na ginagawang racetrack ang naturang kalsada.

Partikular na inihayag ni National Public Transport Coalition (NPTC) President Ariel Lim ang mga alalahaning ito kasabay ng pagdinig ng Senado sa Magna Carta of Commuters bill at Philippine Transportation Security bill.

“Baka po ‘yung Marilaque pwedeng lagyan din [ng police outpost]. Marilaque Highway, ang dami pong patay. Meron na naman kahapon… Ang tagal na po naming ni-re-request na maglagay sana ng outpost. Ang dami pong patay diyan maski kunin ninyo po ang list,” ani Lim.

“Doon po sa Tanay, papuntang Tanay. Ang record po ng patay natin d’yan napakalaki… Ang dami pong namatay, nadamay pati mga private vehicles,” dagdag pa niya.

Hiniling naman ni Senador Raffy Tulfo sa Philippine National Police na pag-aralan ang bagay na ito.

“Ginagawang racetrack ‘to every Sunday,” sinabi ni Tulfo kay PNP Police Brigadier General Reynaldo Pawid.

“We’ll check on this, sir,” tugon ni Pawid.

“We will direct them (PNP Region IV-A) again to intensify their presence in that area,” dagdag pa. RNT/JGC