Home NATIONWIDE Marinerong Pinoy nasawi matapos ang pag-atake sa Gulf of Aden

Marinerong Pinoy nasawi matapos ang pag-atake sa Gulf of Aden

304
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na isang Filipino seafarer ang nasawi matapos masugatan nang malubha sa pag-atake noong Setyembre 29 sa cargo vessel MV Minervagracht sa Gulf of Aden.

Inanunsyo ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang pagpanaw ng marino sa isang post sa X (dating Twitter), kung saan ipinahatid niya ang pakikiramay sa pamilya ng biktima at tiniyak ang tulong ng pamahalaan sa kanila.

Ayon sa United Kingdom Maritime Trade Operations (UKMTO) at ulat ng Reuters, tinamaan at nasunog ng hindi pa matukoy na projectile ang MV Minervagracht, isang cargo vessel na may bandila ng Netherlands, habang naglalayag ng humigit-kumulang 120 nautical miles sa timog-silangan ng daungan ng lungsod ng Aden.

Nailigtas ng mga rescue team ang lahat ng 19 crew member, na binubuo ng mga Russian, Ukrainian, Filipino, at Sri Lankan nationals.

Sa 12 Filipino crew member na sakay ng barko, dalawa ang nasugatan — kabilang ang marino na kalaunan ay pumanaw.

Dumating naman nang ligtas sa Maynila noong Oktubre 5 ang sampung Filipino crew member at sinalubong ni Secretary Cacdac kasama ang iba pang opisyal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here