TAMA lang na imbitahan sa Senado ang 18 ex-Philippine Marine at sundalo upang magpaliwanag ukol sa P805 bilyong ipinamudmod sa nakalipas ng tatlong taon sa iba’t ibang matataas na opisyal ng gobyerno mula sa Kongreso hanggang sa Malakanyang, kabilang na si ex-Senator Antonio Trillanes.
Sa isang mahabang affidavit ng mga ex-Marine at sundalo, bagaman hindi napirmahan nang ipamigay ito sa media, pinagbibigyan ng nasabing halaga umano sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta, Ilocos Norte Congressman Zandro Marcos, dating House Speaker Martin Romualdez, ex-Ako Bicol Representative Zaldy Co, ex-Budget Secretary Amenah Pangandaman at ex-Public Works Secretaries Manuel Bonoan at Mark Villar.
Idinawit din nila mismo si Senate President Tito Sotto at iba pang ilang senador at ilang kongresman na noo’y mga miyembro ng Quadcom, ex-Cong. Stella Quimbo, at iba pa na kabilang ngayon ng House Justice Committee na masisipag na umano’y mang-i-impeach kay Vice President Sara Duterte.
Binigyan din umano nila si Trillanes ng nasa P112 milyon na ipinalit sa $2 milyon, bilang panggastos sa mga dumating na taga-International Criminal Court na nag-imbestiga sa war on drugs ni ex-President Digong Duterte noong 2023 hanggang 2025.
Sa mga maleta o bag kaya umano isinilid ang mga salapi na ipinamigay nila, kung minsan kasama mismo si Zaldy Co, sa mga opisyal.
Gumamit sila ng sari-saring sasakyan na may mga plaka, kasama ang eroplano at helikopter sa pagdedeliber ng mga salapi.
MASELAN
Kung iisipin at kung totoo, napakamaselan ang ibinunyag ng mga dating sundalo, lalo’t nagsalita sila sa harap ng media nang live sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City, sa kabila ng walang pirmang affidavit na ibinigay nila sa media.
Maselan din ang usapin dahil idinawit din nila mismo ang kasalukuyang Ombudsman at ilang senador.
Dahil sa mga ito, walang nakaaalam kung paano tratuhin ng Ombudsman ang mga Marine na may balak isampa ang kaukulang kaso mismo sa Office of the Ombudsman.
Gayundin sa kung paano tratuhin ng Senado mismo ang imbestigasyon.
Matatandaang nagsampa si Senator Imee Marcos ng resolution para mag-imbestiga mismo ang Blue Ribbon Committee dito.
Habang tinitipa ito, mga Bro, wala pang reaksyon naman mula sa Blue ribbon committee kung aaksyon ito o hindi.
Wala rin tayong naririnig na nagsampa ng resolusyon para rin sa imbestigasyon din mismo ng Kamara.
SCRAP OF PAPER
Habang titinitipa natin ito, mananatiling scrap of paper ang affidavit dahil dahil walang pirma iyon at lalong hindi notaryado.
Hanggang hindi magawan ng paraan ang mga problemang ligal na ito sa pangunguna ni Atty. Levi Baligod, walang saysay ang lahat.
At hanggang hindi personal na humaharap sa mga kinauukulang awtoridad ang mga miyembro ng Marines at iba pa para sa kaukulang imbestigasyon, anoman ang layunin nito, wala talagang silbi ang kanilang affidavit at testimonya.
Alalahaning seryoso ang Office of the Ombudman sa paglilitis sa mga administratibo at kriminal na aspeto ng kontrobersya at ganito rin ang Senado para naman sa “in aid of legislation” at rekomendasyon para sa mga kinauukulang kaso.
O paano?






