MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na makatutulong ang bagong maritime laws sa Pilipinas para protektahan ang teritoryo nito sa pamamagitan ng paglikha ng malinaw na delineasyon ng territorial waters nito.
“Marami tayong sinasabi that we have to protect our sovereign rights and our sovereignty. So, it serves a purpose that we define closely what those boundaries are and that’s what we are doing,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang chance interview sa sidelines ng isang event sa Okada Manila sa Parañaque City.
At nang hingan ng reaksyon ukol sa naging aksyon ng Tsina para tumaas ang tensyon sa pinagtatalunang South China Sea, sinabi ni Pangulong Marcos na “That’s not unexpected but we have to define closely [our borders].”
Kamakailan lamang ay nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Republic Act (RA) 12064 (Philippine Maritime Zones Act) at RA 12065 (Archipelagic Sea Lanes Act), para protektahan ang maritime resources ng bansa, pangalagaan ang mayamang biodiversity, at tiyakin na ang Philippine waters remain ay mananatiling ‘source of life’ at pangkabuhayan para sa lahat ng mga Filipino.
Ang dalawang bagong batas ang magbibigay-diin sa importansiya ng maritime at archipelagic identity ng Pilipinas, alinsunod sa umiiral na pandaigdigang batas, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Layon nitong pahusayin pa ang kakayahan ng gobyerno sa pangangasiwa at pagpapatupad ng maritime policies para sa pag-unlad ng ekonomiya at pambansang seguridad.
Ang Philippine Maritime Zone Act ang nagtatakda ng maritime zones ng bansa na alinsunod sa mga pamantayang itinakda ng UNCLOS, kasama na rito ang sea lanes na titiyak sa karapatan para matamasa ng mga Pilipino ang mga kayamanan ng karagatan ng bansa.
Sinabi ng Pangulo na sa pamamagitan ng mga naturang batas ay malaya nang makapaghanapbuhay ang mga Pilipinong mangingisda ng hindi na kailangang dumanas ng pananakot, at malayang mapapakinabangan ang mineral at energy resources sa karagatan.
Samantala, ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act ang magtatatag ng sistema ng ruta sa archipelagic waters gayundin ang airspace na sakop ng Pilipinas para sa ligtas na paglalakbay ng mga dayuhang barko at mga eroplano ng hindi nakokompromiso ang pambansang seguridad ng bansa. Kris Jose