“MARTIN LOOTER” FUND
HABANG pinanonood ng Lupa’t Langit ang sinasabing expose (https://www.youtube.com/watch?v=Q-lGipwnCe0) ng Peanut Gallery Media Network at anchor nitong si CJ Hirro sa matinding korapsyon laban kay ex-Speaker Martin Romualdez at misis niyang si Tingog Partylist Representative Yedda Romualdez, iniisip natin ang isang napakahalagang usapin.
Ang mahalagang usapin ay walang iba kundi ang pagsalang ng lahat ng inilahad ni CJ Hirro at PGMN sa hukuman.
Sa nasabing expose, kombinasyon ng iba’t ibang ebidensya, partikular ang mga dokumento at salita o testimonya ng iba’t ibang tao, ang pinagsama-sama upang makabuo si Hirro at PGMN ng isang kongklusyon na korap ang mag-asawang Martin at Yedda Romualdez.
Bukod sa pagiging Speaker ni Martin, inilagay umano nito si Yeda bilang chairman ng makapangyarihang House Committee on Accounts.
Hindi lamang milyon-milyong piso kundi bilyon-bilyong piso ang umano’y minaniobra ng mag-asawa.
Sa kumpas umano ni Martin bilang Speaker, dinagdagan ng Kamara ang panukala ng Office of the President na badyet ng Kamara habang hinawakan ni Yeda ang pagmaniobra sa pondong gastusin ng Kamara sa personal services, capital outlay, maintenance and other operating expenses at other maintenance and other operating expenses.
Klaro ang paglalahad nina Hirro at PGMN ng mga aktuwal na gastos sa nasabing mga pinagkakagastusan na natagpuang mababa lamang ang halaga batay umano sa records ng Commission on Audit ngunit may mga ipinatong na malalaking halaga.
Isa umano sa ginamit na paraan upang magkamal ang mag-asawa ng daan-daang milyon o bilyon-bilyong piso ang hindi basta ma-audit ng Commission on Audit na MOOE o OMOOE.
Ito’t dahil, walang resibo sa MOOE o OMOOE at ang certification ay sapat na naaayon sa Joint Resolution No. 10 ng Kamara at Senado.
Tanong ni Hirro at PGMN, naswak ba umano sa Martin Looter Fund ang sobra-sobrang badyet?
Tanong: Papasa kaya ang akusasyon ni Hirro at PGMN kina Martin at Yedda sa paghimay-himay dito ng huwes kung aabot lahat ng ito sa hukuman?






