MANILA, Philippines — Nanawagan si Agimat Party-list Rep. Bryan Revilla para sa mas matibay na proteksyon, seguridad sa kabuhayan at mas maayos na support system para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa pagbubukas ng OFW Global Summit 2026 sa Quezon City.
Bilang chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni Revilla na mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan upang matugunan ang mga hamon na kinakaharap ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-31 anibersaryo ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act (Republic Act No. 8042), tinalakay ni Revilla ang mga panukalang naglalayong palakasin ang kapakanan ng migranteng manggagawa.
Kabilang dito ang pagsusulong ng mas komprehensibong reintegration program para sa mga OFW na nais nang umuwi sa bansa sa pamamagitan ng livelihood opportunities, entrepreneurship training at job placement programs.
Isinusulong din niya ang House Bill No. 2716 o ang “Free OFW Financial Education Act” na magbibigay ng libreng financial literacy programs para sa mga OFW at kanilang pamilya upang maprotektahan ang kanilang ipon at remittances laban sa panloloko at financial scams.
Suportado rin ni Revilla ang House Bill No. 7787 o ang “Overseas Filipinos Consular Access Act” na mag-oobliga sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas na magbukas tuwing weekend nang hindi bababa sa dalawang beses kada buwan upang mapadali ang pagproseso ng mga dokumento ng mga OFW.
Pinuri rin ng mambabatas sina Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at Overseas Workers Welfare Administration Administrator Patricia Caunan dahil sa pakikipagtulungan ng kanilang mga ahensya sa Kongreso para sa kapakanan ng mga overseas worker.
“Isang taon pa lamang po ako bilang Chairperson ng House Committee on Overseas Workers Affairs, ngunit marami na akong natutunan mula sa inyo. Sa bawat sundo sa airport, dialogues, sa mga mensahe niyo po sa ating social media pages mas lalo kong nauunawaan ang mga hamon na inyong hinaharap,” ani Revilla.
Ayon pa sa kanya, patuloy ding itinutulak ng Kamara ang mas mahigpit na hakbang laban sa illegal recruitment at iba pang uri ng employment scams.
“Ang laban para sa OFW ay hindi lamang usapin ng trabaho o ekonomiya, usapin ito ng dangal, karapatan, at pagkatao ng bawat Pilipino saan mang sulok sila ng mundo,” pagtatapos ni Revilla. Gail Mendoza