Home NATIONWIDE Mas mabilis na konstruksyon ng klasrum ipinanawagan ni Zamora sa ilalim ng...

Mas mabilis na konstruksyon ng klasrum ipinanawagan ni Zamora sa ilalim ng CAP Act

232
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si San Juan City Mayor Francis Zamora ng mas mabilis na konstruksyon ng mga silid-aralan habang pinangunahan ng lungsod ang Mayor’s Dialogue on Accelerating Classroom-Building in Cities and Municipalities na ginanap sa Makabagong San Juan Theater nitong Enero 28.

Dinaluhan ang dayalogo ng 240 local chief executives, 45 city mayors at 195 municipal mayors, kasama ang mga opisyal ng edukasyon upang talakayin ang mga solusyon sa kakulangan ng klasrum sa ilalim ng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act.

Ayon kay Zamora, na siya ring national president ng League of Cities of the Philippines at Metro Manila Council, binibigyang kapangyarihan ng CAP Act ang mga lokal na pamahalaan na direktang magsagawa ng classroom projects, na magreresulta sa mas mabilis na implementasyon at mas mahigpit na pagbabantay.

“Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang papel ng LGUs, at sa tulong ng CAP Act ni Sen. Bam Aquino at pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara, direktang ililipat sa LGUs ang pondo para sa mga klasrum,” ani Zamora.

Dagdag pa niya, makakaiwas ito sa ghost at substandard projects at mababawasan ang pag-asa sa iilang implementing agencies.

Ibinahagi rin ni Zamora ang mga inisyatiba ng San Juan sa edukasyon, kabilang ang 95 porsiyentong functional literacy rate ng lungsod, pamamahagi ng tablets sa mahigit 13,000 public school students, paglalagay ng 55-inch TVs at fiber optic internet sa mga silid-aralan, at pagbibigay ng laptops sa mga guro.

Gayunman, aminado siyang nakararanas pa rin ng class shifting ang lungsod dahil sa kakulangan ng espasyo. Aniya, papalitan ang mga lumang dalawang-palapag na gusali ng apat hanggang walong palapag na estruktura upang masulit ang limitadong lupain ng lungsod.

Sinabi naman ni Education Secretary Sonny Angara na ang pagbibigay ng kapangyarihan sa LGUs ay isang “makasaysayang oportunidad” upang tugunan ang classroom backlog ng bansa.

Ayon kay Sen. Bam Aquino, chair ng Senate committee on basic education, umaabot sa humigit-kumulang 166,000 ang kakulangan sa klasrum sa buong bansa. Aniya, naglaan ang Kongreso ng P66 bilyon para sa 25,000 hanggang 30,000 klasrum, at layong ipagpatuloy ito sa susunod na pitong taon.

Nagtapos ang dayalogo sa isang open forum kung saan tinalakay ng mga lokal na opisyal ang kanilang mga karanasan, hamon, at rekomendasyon sa pagpapatupad ng CAP Act. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here