MANILA, Philippines – Kailangan na lang mag-apply ng electrical inspection ang mga bahay na may solar panel na hindi mangangailangan ng net metering program ng pamahalaan, sa oras na maipatupad ang bagong policy framework sa ikatlong quarter ng 2026.
Ayon kay Energy Undersecretary Mario Marasigan, makikinabang sa pinadaling proseso ang mga tirahan na hindi maglalayong i-feed ang excess power pabalik sa grid.
“We are accelerating the new framework. We will release a new framework to make it easier. It’s just information instead of clearance,” ani Marasigan.
Kasalukuyang kinokonsulta ng Department of Energy ang mga stakeholder, kabilang ang distribution utilities (DUs), lokal na pamahalaan, at power consumers.
“If we could have a positive response from the stakeholders, maybe in a month’s time or two, we might release the framework,” aniya.
Sa ilalim ng net metering program ng pamahalaan, ang mga tirahan na may solar panel ay obligadong irehistro ito sa kani-kanilang local government unit at abisuhan ang kanilang DUs na payagan ang paglilipat ng sobrang kuryente sa power grid para sa public distribution.
Ang sobrang kapasidad naman sa grid ay babayaran sa pamamagitan ng credits o refund na makikita sa bill sa kuryente ng naturang tirahan.
Ipinakilala naman ng Energy Regulatory Commission ang mga pagsasaayos sa naturang mga kautusan kabilang ang minimum requirements para sa DUs ant local governments, na magpapabilis sa aplikasyon at magpapaikli sa processing time.
Ipinaliwanag naman ni Marasigan na ang residential solar facilities ay karaniwang may maliit na kapasidad at ginagamit lamang sa personal na paggamit, dahilan para hindi na nito kailangang sumailalim sa kaparehong proseso na kailangan sa net metering participants.
Marami aniyang mga tirahan ang may solar power systems na kailangang inspeksyunin at irehistro para masiguro ang kaligtasan ng mga ito. RNT/JGC