Home NATIONWIDE Panukalang remote voting para sa impeachment trial ni VP Sara malabong maaprubahan...

Panukalang remote voting para sa impeachment trial ni VP Sara malabong maaprubahan – Lacson

86
0

MANILA, Philippines – Kung si Senador Panfilo Lacson ang tatanungin, hindi makakapasa sa Senado ang panukalang magkaroon ng online participation sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte tulad ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson, miyembro ng minority group ng Senado, na malabong makapasa ang panukala na payagan ang online participation sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio,

Aniya, layunin ng panukala na makakilahok at makaboto si Dela Rosa na nagtatago ngayon dulot ng warrant of arrest na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC) at pinagtibay ng Department of Justice (DOJ) sa kasong crimes against humanity.

Iginiit ng senador na pinapayagan lamang ng mga patakaran ng Senado ang virtual participation sa ilalim ng force majeure o mga hindi inaasahan at hindi makontrol na sitwasyon, o kagipitan tulad ng COVID-19 pandemic.

“Hindi lulusot. At saka maantala kami pag binago namin ang rules on impeachment,” aniya sa panayam sa True FM.

“Even sa rules ng Senado hindi rin puwede. Ang umiiral na rules pag may force majeure or emergency tulad ng Covid noong panahon ng Covid pinayagan namin yan, di kami maka-session kung may lockdown,” dagdag niya

Binanggit din ni Lacson na wala pang desisyon sa mosyon ni Sen. Rodante Marcoleta na payagan ang online participation sa plenary session ng Senado at sa impeachment trial, na inaasahang makikinabang si dela Rosa.

Ayon kay Lacson, “invalid” ang ganitong mosyon dahil kinakailangang amyendahan muna ang mga patakaran ng Senado at dumaan sa tamang proseso.

Dagdag pa niya, kung ang naturang hakbang ay para sa impeachment court, kailangang ito ay pagdesisyunan sa loob ng impeachment court mismo, na may hiwalay na patakaran at proseso mula sa Senado. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here