
BINIGYANG diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary na sa gitna ng pagbabago sa mundo ng paggawa, ang labor market information systems (LMIS) ng ASEAN member states ay “dapat mabuo ng naaayon sa mga kinakailangang kasanayan dulot ng pag-unlad ng teknolohiya, “sustainable environment,” at ang mga kinakailangan para sa inklusibong pag-unlad” sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ‘best practices’ at paggamit ng teknolohiya para sa mas mahusay na pagbabalangkas ng polisiya.
Inilunsad ang workshop ang Regional Mapping of Labor Market Information for Skills and Employment Policies in ASEAN Member States, isang proyektong idinisenyo upang ipakita kung paano makakatulong ang LMIS sa pagbuo ng mga polisiya at programa para sa manggagawa.
Ang proyekto ay ipinatupad ng International Labor Organization (ILO) at ng Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ), sa pakikipagtulungan ng ASEAN Secretariat (ASEC) at sa ilalim ng magkasamang pamumuno ng Philippine Department of Labor and Employment (DOLE), Viet Nam Ministry of Labour, Invalids and Social Affairs (MOLISA), at Manpower of Indonesia (MOM).
Nakalathala din ang karagdagang pagsasakonteksto ng mga talakayan sa publikasyon ng ILO—ang World Employment and Social Outlook Trends 2025, na naglalahad ng mga projection ng trabaho at binibigyang- diin ang papel ng pagtataas ng kasanayan sa gitna ng green at digital transition.
Naging daan din ang tatlong araw na workshop para magbahagi ng kanilang pananaw, suriin ang mga pangunahing hamon, at tukuyin ang mga estratehikong aksyon ng ASEAN member states para sa pagpapahusay ng regional LMI system. Nakatuon ang talakayan sa pangangailangan na paunlarin ang kapasidad ng manggagawa, pagbabago ng mga polisiya, at mga oportunidad para sa mas malalim na pagtutulungan ng rehiyon. Sa pamamagitan ng mas mahusay na kaalaman sa merkado ng paggawa, nilalayon ng mga bansang ASEAN na bumuo ng ‘data-driven’, ‘future-ready workforce’, para tiyakin na ang mga manggagawa ay hindi lamang makakahanap ng de-kalidad na trabaho ngayon bagkus nakahanda rin sila sa mga trabaho sa hinaharap.
Habang patuloy na nagbabago ang ekonomiya sa buong rehiyon, isinusulong ng DOLE at ng ASEAN partners nito ang isang matalino at sama-samang pamamaraan para sa pag-unlad ng lakas-paggawa. Ang pamumuhunan para sa mas malakas na labor market information system ay mahalaga upang punan ang kakulangan sa kasanayan para sa matatag na ekonomiya, pagpapalakas sa mga manggagawa at tamang oportunidad upang umunlad sa patuloy na kompetensya sa pandaigdigang ekonomiya.