Home NATIONWIDE P29 kada kilong bigas mabibili na araw-araw sa CamSur

P29 kada kilong bigas mabibili na araw-araw sa CamSur

MANILA, Philippines – Sinimulan na ng National Irrigation Administration sa Bicol (NIA-5) ang araw-araw na pagbebenta ng Bagong Bayaning Magsasaka (BBM) rice sa Camarines Sur, na nag-aalok ng malinis, bagong giling, at abot-kayang bigas, lalo na para sa mga sektor na nangangailangan.

Ayon kay Ma. Cleofe Baraero, tagapagsalita ng NIA-5, mabibili ang “Bagasan Ara-aldaw” rice sa NIA-Camarines Sur Irrigation Management Office (IMO) sa bayan ng Magarao.

Nasa PHP29 kada kilo ang presyo nito para sa senior citizens, PWDs, benepisyaryo ng 4Ps, at mga solong magulang, habang PHP35 kada kilo naman para sa pangkalahatang publiko.

Maaaring bumili ng minimum na 5 kg at maximum na 10 kg ng bigas, mula Lunes hanggang Biyernes, 8 a.m. hanggang 4 p.m.

Ang bigas ay mula sa ani noong Disyembre ng mga ka-partner na irrigators association ng NIA sa ilalim ng contract farming program.

Bagamat naibebenta na ang BBM rice sa mga Kadiwa store sa rehiyon, ang araw-araw na availability nito ay nagsisiguro ng tuloy-tuloy na supply na inaasahang tatagal hanggang Mayo o Hunyo.

Magpapatuloy ang contract farming program hanggang 2025, na sasaklaw sa anim na probinsya upang palakasin ang produksyon ng bigas. Santi Celario