Home NATIONWIDE Mas mainam magbigay ng ayuda kaysa magnakaw sa kaban ng bayan- Abante

Mas mainam magbigay ng ayuda kaysa magnakaw sa kaban ng bayan- Abante

282
0

MANILA, Philippines – “Ang pagtulong ay hindi kailan man dapat ikahiya.”

Ito ang depensa ng Kamara sa harap ng bagong batikos ng ilang kritiko kay House Speaker Martin Romualdez sa ginagawa nitong pagbibigay ng ayuda.

Ayon kay House Spokesperson Princess Abante, tuloy ang paninindigan ng House Leadership na ibigay sa taumbayan ang nararapat.

“Ang pagtulong sa mahihirap ay hindi kailanman dapat ikahiya. Kung ang pagtulong sa nagugutom at maysakit ay kalokohan para sa ilan, mas gugustuhin pa naming matawag na ‘Tambaloslos’—kaysa matawag na ‘kawatan’ dahil sa pagnanakaw sa kaban ng bayan,” ani Abante.

Ginawa ni Abante ang pahayag matapos atakehin ni Sen. Imee Marcos si Speaker Romualdez at First Lady Liza Araneta Marcos sa isang pagtitipon sa Malaysia kasama Vice President Sara Duterte.

Sa naturang pagtitipon sinabi ni Marcos na sayang lang ang pera ng gobyerno na ibinibigay bilang ayuda.

Nilinaw ni Abante na ang ayudang naipapamahagi sa mga mahihirap na pamilya ay dumaraan sa tamang proseso, may dokumentasyon, at may malinaw na benepisyaryo.

“May resibo, may proseso, may diretsong patutunguhan. Hindi ito isinusubo sa personal na bank account,” ani Abante.

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Abante na ang tunay na isyu ay ang pang-aabuso sa pondo ng bayan gaya ng kuwestyunableng paggastos ng confidential at intelligence funds gayundin ang hindi pagdedeklara ng mga bank account kung saan nakatago milyun-milyong salapi.

“Habang ang iba ay abala sa pag-iikot abroad, sa media appearances, at tila maagang kampanya, si Speaker Romualdez ay patuloy na nagtatrabaho — naghahain ng batas, nagbabantay ng pondo, at nagdadala ng tulong sa nangangailangan,” ani Abante.

Kinuwestiyon din ni Abante ang posibleng motibong politikal sa likod ng mga pag-atake.

“Hindi ba kayo nagtataka kung bakit pinupuntirya si Speaker, gayong wala naman sa survey para sa 2028? Baka ginagamit lang siya para mang-intriga, manira, at makuha ang atensyon ng publiko,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ni Abante na tahimik ang Kamara ngunit ramdam ang trabaho at walang drama. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here