Home NATIONWIDE Mas malaking kompensasyon para sa ‘missing’ MV Tutor crew itinutulak ng OWWA

Mas malaking kompensasyon para sa ‘missing’ MV Tutor crew itinutulak ng OWWA

MANILA, Philippines- Nakikipagnegosasyon ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa manning agency ng “nawawalang” seafarer ng Liberian-flagged bulk carrier MV Tutor na inatake ng Houthis noong nakaraang buwan. 

Sinabi ni OWWA Administrator Arnell Ignacio sa isang panayam nitong Biyernes na isinusulong nila ang mas mataas na kompensasyon para sa pamilya ng nawawalang marino.

Dagdag pa niya, nagbigay na ng tulong-pinansyal ang OWWA sa pamilya ng nawawalang seafarer nang bumisita sila sa ahensya sa Pasay City noong Huwebes.

Sinabi ni Ignacio, ang pamilya ay tumanggap na ng P220,000 financial assistance.

Inaayos na rin ng OWWA ang scholarship para sa bunsong anak ng seafarer na malapit nang mag-18 taong gulang.

“Marami pa yan kasi ako ang nakikipag-usap sa manning agency para lalong mas malaki ang makuha nila, ina-arrange at kinakausap namin” sabi n  Ignacio.

Ang MV Tutor na may sakay na 22 Filipino crew ay intake ng Houthi rebels noong Hunyo 12 habang dumaraan sa Red Sea.

Nakabalik sa Pilipinas ang 21 crew noong Hunyo 17.

Idineklara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang natitirang seafarer na “missing.”

Lumubog noong Hunyo 18 ang barko ngunit sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na hindi nila makumpirka ang pagkamatay ng nawawalang marino at idinagdag na nangako ang shipowher na magsagawa ng  search operation upang matunton ang natitirang Pinoy crew member. Jocelyn Tabangcura-Domenden