MANILA, Philippines- Naghahanap ng mga paraan ang Pilipinas at ang Chile upang palalimin pa ang relasyon sa ilang salik, tulad ng agrikultura, at kalakal, maging pamumuhunan.
Nakipagpulong si Chilean Foreign Minister Alberto Van Klaveren, nasa Manila para sa official visit, sa kanyang counterpart na si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa bilateral meeting sa Manila nitong Biyernes.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagkaroon ang dalawa ng “substantive discussion” sa iba’t ibang isyu sa bilateral trade at investment, agrikultura, disaster risk reduction and management (DRRM), maritime cooperation, at turismo.
Tinalakay din ng dalawang opisyal ang positibong development sa posibleng free trade agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Opisyal na inilunsad ng Pilipinas at Chile nitong Biyernes ang negosasyon sa Philippine-Chile Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA), na sakaling magtagumpay ay magiging kauna-unahan sa pagitan ng Pilipinas at ng isang Latin American country.
Bukod dito, inalala ng dalawang ministers ang ASEAN-Pacific Alliance Ministerial Meeting na pinangasiwaan nila ssa New York City noong Setyembre.
Sa nasabing meeting, nagkasundo ang dalawang opisyal na tututukan ang mga aktibidad na may kaugnayan sa science, technology, at innovation; smart cities at connectivity; at kalikasan.
Inihayag ng DFA na ipinakikita ng pagbisita ang commitment ng Chile sa pagsusulong ng relasyon sa Pilipinas. RNT/SA