MANILA, Philippines- Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang ratipikasyon ng bicameral conference committee report sa Senate Bill No. 2974, o Expanded Philippine Science High School (PSHS) System Act sa pagsasabing ito ay napakahalaga sa pagbibigay ng higit na access sa de-kalidad na edukasyon sa science, technology, engineering, and mathematics (STEM) education sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Go, co-author ng panukala, na mahalagang mas mapahusay ang mga estudyanteng Pilipino—lalo ang mga nasa malalayong lugar—sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng secondary education na nakatuon sa agham sa pamamagitan ng PSHS System.
Pinasalamatan niya si Senator Migz Zubiri, ang principal sponsor ng panukala.
“Suportado ko ang panukalang ito dahil naniniwala akong napakahalaga ng pagpapalawak ng access sa dekalidad na edukasyon sa agham at teknolohiya. Kailangan nating tugunan ang lumalaking demand sa mga rehiyon para sa ganitong klaseng edukasyon,” ani Go.
Layon ng batas na magtatag ng hanggang dalawang PSHS campus sa bawat administrative region, maliban sa National Capital Region na host ng main campus.
Upang isulong ang pantay na access, nililimitahan ng panukalang batas ang bawat lalawigan sa isang kampus at tinitiyak na ang educational opportunities ay pantay na naipamamahagi sa buong bansa.
Ang PSHS ay isasailalim sa Departament of Scienece and Technology (DOST) sa pamamagitan ng sentralisadong lupon na magiging responsable sa pagpapanatili ng mga pamantayang pang-akademiko, pangangasiwa sa operasyon ng kampus, at pagpipiloto sa pangmatagalang pag-unlad.
Iniuutos din sa panukala ang isang komprehensibong PSHS System’s performance and demand, 15 taon pagkatapos ng pagsasabatas. Pagkatapos ng ebelwasyong ito ay saka lamang ikokonsidera ang anumang dagdag na kampus.
Hinihikayat sa panukala ang koloborasyon sa pamamagitan ng Adopt-a-School Program at pakikipagtulungan ng PSHS campus at ng Department of Education’s science high schools and special science programs.
“Kung mas maraming kabataang Pilipino ang mabibigyan ng oportunidad na makapag-aral sa mga paaralang tulad ng Philippine Science High School, mas malaki ang tsansa nating makabuo ng bagong henerasyon ng mga siyentipiko, imbentor, at innovator na tutulong sa pag-unlad ng ating bansa,” sabi ni Go.
Muli niyang iginiit na ang pagpapalawak ng access sa dekalidad na STEM education ay isang mahalagang bahagi ng pagpapasigla ng buhay at paghahanda ng bansa sa science-driven future.
Ang legislative advocacy ni Go para sa edukasyon ay bahagi ng mas malawak niyang pagsusulong na gawing mas madali ang access sa serbisyo publiko. RNT