Home NATIONWIDE Kamara niresbakan ni Escudero sa naudlot na wage hike bill: ‘Dead on...

Kamara niresbakan ni Escudero sa naudlot na wage hike bill: ‘Dead on arrival’

MANILA, Philippines- Matinding niresbakan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si House Speaker Martin Romualdez sa pag-iwas pusoy sa naudlot na wage hike bill sa pribadong manggagawa dahil naisumite ang kanilang bersyon sa huling araw ng sesyon.

Sinabi ni Escudero na tila “dead on arrival” ang P200 legislated increase sa minimum wage dahil huling araw ng sesyon nang pagtibayin ito ng Kamara bago mag-sine die at inaasahan nilang aapurahin ng Senado ang panukala.

Aniya, napagtibay ng Senado ang bersyon nito sa legislated wage hike, P100 pagtaas, mahigit isang taon na partikular noong Pebredo 2024.

Ganito ang reaksyon ni Escudero sa pahayag ni House spokeperson Atty. Princess Abante na nagsasabing “pinatay ng Senado” ang wage hike bill matapos mabigong tumugon sa bicameral conference committee meeting bago mag-adjourned ang sesyon.

Itinalaga ni Romualdez si Abante kamakailan bilang spokesperson ng Kamara.

Pero, ayon kay Escudero, kumilos kaagad ang Senado kaya’t nakipagpulong kaagad ito sa ilang mambabatas upang hilingin na pagtibayin ang kanilang bersyon.

Aniya, pumayag ang House lawmakers na pagtibayin ang bersyon ng Senado pero walang natanggap na pahayag hanggang magtapos ang sesyon nitong Hunyo 11.

“Bakit ba kung kailan huli biglang sasabihin dine-delay namin at wala kaming oras para i-adopt ‘yung kapapadala lang nila. Kung pinadala nila bago kami mag-adjourn noon pa, e ‘di mas madaling pag-usapan ‘yun at mapag-aralan,” ayon kay Escudero.

“Talaga bang ganito na ang gagawin ninyo? ‘Yong impeachment pinadala niyo huling araw na lang ng sesyon namin. Ito ganoon din huling mga araw ng mga sesyon namin tapos ayan na naman kayo, mamadaliin niyo na naman kami na parang kami ang may kasalanan,” dagdag niya.

“Pinasa namin itong wage hike na P100 February 2024, mahigit isang taon nilang inupuan ito. Tapos bigla ngayon sila ‘yung gigil na gigil at nagmamadali.”

“May proseso kung gusto talaga nilang i-adopt ‘yong bersyon ng Senado. Simpleng mosyon lang ‘yan sa plenaryo ng Kamara at diretso na ‘yan sa opisina ng ating Pangulong Marcos,” dagdag ng lider ng Senado.

Kailangang isumite ulit ang legislated increase sa minimum wage at sumailalim muli sa proseso ng pagsasabatas sa 20th Congress.

Ayon kay Escudero, hindi prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang pagtataas ng sahod ng manggagawa sa pribadong sektor sa kabila ng hinahagupit na sunod-sunod na pagtaas ng halaga ng pangunahing bilihin, pagkain at serbisyo tulad ng kuryente at tubig. Ernie Reyes