MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang paghahanda para sa inaasahang pagdami ng mga international traveller ngayong panahon ng ‘Undas’.
Ibinahagi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na inaasahan nila ang pagtaas ng bilang sa international travel kung saan may inaasahang pang-araw-araw na departure sa pagitan ng 43,000 hanggang 48,000 na mga pasahero mula Oktubre 31 habang ang araw-araw na arrival ay tinatayang nasa 41,000 hanggang 47,000.
Batay sa rekord, ang panahon ng Undas noong nakaraang taon ay may average na humigit-kumulang 37,000 para sa mga pag-alis at 36,000 para sa mga dumarating.
Sinabi ni Viado na ang BI ay naghahanda para sa peak season sa pamamagitan ng pagpapakalat ng 58 bagong immigration officers, na nakapagtapos noong Oktubre 29.
“We have ramped up our operations at the Ninoy Aquino International Airport (NAIA) with additional personnel to maintain a smooth flow of passengers,” ani Viado.
“Our team is closely monitoring the situation to ensure the public receives efficient, reliable service,” dagdag pa ng BI Chief.
Bilang karagdagan sa mga bagong opisyal, ang BI ay nagpapakalat ng mga tauhan mula sa pangunahing tanggapan nito upang suportahan ang mga operasyon sa paliparan.
Nanatid na sa panahon ng peak season, hindi pinapayagan na makapag-leave ang mga frontline officer upang matiyak ang full deployment capacity.
“We are also activating our rapid response units to address any sudden increases in passenger traffic, particularly during peak hours,” ayon pa kay Viado. JR Reyes